Pahayag sa ika-15 anibersaryo ng Partido ng Manggagawang Pilipino: Optimismo sa Gitna ng Pandaigdigang Krisis Pang-Ekonomya at Istorikong Yugto ng mga Gyera at mga Pag-aalsa

Ang sentrong pamunuan ay nagpapaabot ng rebolusyonaryo’t makauring pagbati sa lahat ng kadre’t kasapi, mga masang aktibista’t simpatisador ng Partido ng Manggagawang Pilipino (PMP) – sa okasyon ng isa’t kalahating dekada ng ating partido.

Sa ating ikalabinlimang taon, hinihikayat natin ang lahat na tanganan ang rebolusyonaryong optimismo para magsikhay sa ating pundamental na tungkuling organisahin ang tunggalian ng uri sa bansa.

Mangahas makibaka! Hindi lang para isulong ang kilusang demokratiko at kilusang sosyalista sa Pilipinas kundi pangahasan din ang pananagumpay nito. Mangahas magtagumpay! Tanawin nating misyon na maabot ng kasalukuyang henerasyon ng masang anakpawis ang ating minimithing tagumpay.

Walang iba ito kundi ang pagpapabagsak sa kapitalistang estado at ang pagtatatag ng gobyerno ng manggagawa sa Pilipinas – bilang ating ambag sa pandaigdigang kilusan para lumaya ang sangkatauhan sa sumpa ng kahirapan at pagsasamantala ng tao sa tao, dulot ng pribadong pagmamay-ari sa mga materyales at kasangkapan sa ikabubuhay ng tao.

Ideyolohikal at Organisasyunal na Konsolidasyon

Ang kumpyansang ito ay hindi nagmumula sa bulag na pagsampatalaya sa ating Partido. Batid nating tayo ay may babakahin pang mga kahinaan at kakulungan. Walang dalisay na kilusan, tulad ng walang perpektong indibidwal.

Ang PMP ay dumaan sa masalimuot na landas mula nang simulan nito ang proseso ng pagsasanib noong 2002. Hindi nakuha sa isang bigwas ang relatibong mas solidong antas ng pagkakaisa laluna sa ideolohiya – kung paano magkatuwang na isinusulong ang demokratiko at sosyalistang mga tungkulin ng rebolusyong Pilipino sa isang atrasadong kapitalistang bansa.

Noong 2007, sumiklab ang matitinding mga internal na sigalot na hindi lamang sumubok kundi nagbanta sa mismong sentralisadong katangian ng ating Partido. Ang lahat ng ito ay ating napangibabawan. Mula noon, bagamat may naganap pa ring mga hidwaan ng iba’t ibang yunit ng Partido, pumasok na tayo sa bagong yugto ng ideolohikal at organisasyunal na konsolidasyon. Palalimin ang ating pag-unawa sa ating Programa. Pag-intindi sa mga partikular na anyo ng “tendensyang pa-Kanan”. Pag-ugat sa materyal at ideolohikal na mga ugat ng ganitong maling tunguhin.

Sa nakaraang plenum ng Komite Sentral, may substansyal na kaisahan na sa ating “linya ng pagsulong”, na pagpapalalim sa laman ng ating Programa. Itinakda ang direksyon ng mga taktika ng pakikibakang masa – ang gawaing masa ng kadre’t kasapi, ang pagsusulong ng kilusang paggawa, kilusang unyon, kilusang sektoral ng iba’t ibang seksyon ng manggagawa bilang sentral na tungkulin, ang pakikipagkaisang prente sa mga demokratikong uri at pwersa sa lipunan, ang paglahok sa halalan para ilantad ang bulok ng sistema’t lipunan habang pinalalawak at pinalalalim ang baseng masa, ang parlyamentaryong pakikibaka sa pagsusulong ng mga demokratikong minimum na reporma, ang pagbubuo ng baseng balwarte ng rebolusyon, atbp. – lahat ng ito ay nagsisilbi sa direksyon ng “pamumuno ng manggagawa sa armadong rebolusyonaryong pag-aalsa ng masa ng taumbayan (worker-led armed revolutionary mass uprising)”.

Subalit nagawa man natin ang mapagpasyang mga hakbang tungo sa ideyolohikal na konsolidasyon ng PMP, na ngayon ay nasa proseso na ito ng pagpapaunawa ng Komite Sentral sa buong kasapian, sa binubuo nating teorya ng pagsusulong ng rebolusyong Pilipino, ang kasabay na krusyal na usapin ay ang pagtataas sa kahandaan at kakayahan ng Partido para gawing “pagkakaisa sa pagkilos” ang inaabot nitong “pagkakaisa sa ideya”.

Mangangahulugan pa ito ng mahabang proseso ng pagtitipon at pagsasanay sa bagong kwerpo ng mga kadre ng PMP; ng pagsasapraktika ng internal na demokrasya sa tunay na diwa ng demokratikong sentralismo; ng paglikha ng organisasyunal na kultura ng komitment, debosyon at sakripisyo sa paggampan sa mga rebolusyonaryong gawain; ng konstruktibong kritisismo sa maling pananaw at liberalismo, na nagpapanday at hindi sumisira sa pagtrato sa bawat isa bilang kasama; ng pamumuno – at pagtatangkang pamunuan – ang mga pakikibakang masa sa iba’t ibang antas para pagpulutan ng mga aral at inspirasyon, at higit sa lahat, ang tuloy-tuloy na paghuhubog sa sarili para maging dekalibreng tagapaglingkod ng uring manggagawa at masang anakpawis.

Malayo pa ang ating lalakbayin. Marami pa ang kailangang gawin. Kung tayo ay nakatingin lamang sa ating sarili – sa kasalukuyang kalagayan ng Partido – pesimismo, pagkasiphayo at demoralisasyon ang malamang na kumapit sa atin. Subalit ang mundo ay hindi umiikot sa ating Partido.  Hindi rin ito tumitigil sa kasalukuyan.  Gumagalaw at nagbabago tungo sa kinabukasan. Tandaan nating ang rebolusyon ay isa ring obhetibong proseso. Ang kasaysayan ay nililikha ng tao batay sa kinaiiralang sirkumstansyang humuhubog sa kanila. Nagpapanday sa pag-iisip at paggalaw ng iba’t ibang mga uri’t mga indibidwal. Itutulak sila para maging mapagpasyang mga aktor para isulong o pigilan ang panlipunang pagbabago at pag-inog ng kasaysayan.

Ang tinutukoy natin ay ang paparating na mga pag-igting sa tunggalian ng uri – na maglalatag sa mga senaryo ng kalitatibong pagsulong kundi ma’y pagtatagumpay sa rebolusyong Pilipino.

Istorikong Yugto ng Krisis, Gyera, at Pag-aalsa

Tayo ay nasa isang istorikong yugto ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapital. Hindi pa ito umaahon sa pandaigdigang krisis pinansyal na naganap noong 2008. Matamlay ang mga ekonomya ng Estados Unidos at Kanlurang Europa. Ang nanatiling masiglang mga ekonomya ay nasa Asya, partikular sa Silangan at Timog Silangang Asya, sa bansang Tsina at sa rehiyon ng ASEAN. Bahagya ding umaahon ang ilang bahagi ng Aprika.

Ngunit ating nasasaksihan ay pang-ekonomikong kasiglahan na nasusukat lamang sa GDP growth rate o paglago ng mga yamang nalilikha sa naturang mga rehiyon. Sino ang may-ari sa yamang nalilikha? Ang mga kapitalista. Partikular, ang mga kapitalistang may-ari ng mga korporasyong monopolyo at mga malalaking bangko.

Napakalaki ng agwat ng mayaman at mahirap. Sa pagitan ng 1996 at 2015, ang pinagsamang kita ng kalahati ng populasyon ng daigdig ay mas nakonsentra sa iilan, mula 358 ay naging 80 bilyonaryo, sa loob ng halos dalawang dekada.  Ngayong 2017, ito ay nasa kamay na ng 8 katao (datos mula sa Oxfam UK)!

Bumilis ang konsentrasyon ng yaman bunga ng umarangkadang pagpapatupad sa neoliberal na doktrinang pang-ekonomya (sa mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon, at pleksibilisasyon sa paggawa), sa pagpasok ng dekada ‘90.

Sa Estados Unidos, ang pagluluwag ng kontrol sa pinansyal na merkado ang naging dahilan ng “housing boom” na kinalauna’y naging krisis sa buong sistemang pampinansya. Nalugi at nagsara ang ilang mga bangko at institusyong pinansyal sa Amerika, na di naglao’y humawa sa ibang mga bansa at naging global financial crisis noong 2008.

Para maampat ang pagbulusok – dahil ang pagsasara ng mga bangko ay makakaapekto na sa pag-ikot ng pera at kalakal, na kinakailangan para umandar ang industriya’t komersyo, bilyon-bilyong dolyar ang ginamit ng gobyerno ng Estados Unidos para isalba ang mga naluluging pinansyal na institusyon sa tinaguriang “bail-out”.

Sa tindi ng krisis sa mundo ng pinansya, ang dapat sanang lohikal na direksyon ay regulasyon para pigilan (o dapat nga’y parusahan pa nga) ang mga bangkerong ito na inilagay sa peligro ang pandaigdigang kapitalistang sistema.

Pero hinde! Tuloy ang neoliberalismo. Ang mga bangkong ito – kasama ang mga multilateral na bangko tulad ng WB, EBRD, ADB, at AIIB – ang patuloy na nangangaral ng ibayong liberalisasyon.  Hayaan ang malayang pagpasok at paglabas ng kapitalista sa iba’t ibang mga bansa. Hindi lamang bilang portfolio investment o “hot money” sa financial markets kundi bilang direktang pamumuhunan sa pakikipagsosyo o pagpapautang sa mga gobyerno sa pagtatayo nito ng mga proyekto! Hindi na ito lantarang pribatisasyon. Dahil walang pag-aari ng gobyerno ang ibinebenta sa mga pribadong korporasyon. Ngunit pareho din ang epekto: ang dating sineserbisyo ng mga estado sa kanilang mamamayan – pasilidad sa kuryente, tubig, transportasyon, komunikasyon, kalusugan, edukasyon, atbp. – ay gagawin ng negosyo para pagtubuan ng mga negosyante!

Neoliberalismo pa rin ang nananatiling dominanteng doktrinang pang-ekonomya ng mga kapitalistang gobyerno sa buong mundo. Subalit kinakain ng sariling kontradiksyon ang mga nangangaral ng “malayang kalakalan”.

Sapagkat nagbago ang itsura ng mundo matapos ang 2008 global financial crisis. Ang ekonomiya ng Amerika ay nasa pinakamahinang antas nito matapos ang World War 2. Lumalakas naman ang ekonomiya ng Tsina. Mula sa pagiging “pabrika ng mundo” dahil dito na ginagawa ang halos lahat ng kinokonsumo ng tao, sa tulong na rin ng mga korporasyong multinasyunal na pumasok dito para sa bilyon-bilyong Intsik bilang merkado at bilang trabahador ng manupaktura, ang Tsina ngayon ay isa nang pinansyal na kapangyarihan.

Itinayo nito ang Asian Infrastructure Investment Bank o AIIB. Nagpapautang sa mga gobyerno ng iba’t ibang bansa para sa mga proyektong pang-imprastraktura. Karamihan sa mga proyekto nito ay may direkta’t indirektang kaugnayan sa “One Belt, One Road” para buhayin muli ang sinaunang mga ruta ng kalakalan mula Asya hanggang Europa.

Samantala, kung dati’y ang pinakamalalaking pribadong bangko sa buong mundo ay nagmula sa Estados Unidos, Europa, at Japan, napalitan na sila ng mga bangko ng Tsina (Industrial and Commercial Bank of China, China Construction Bank Corporation, Agricultural Bank of China, at Bank of China).

Ang pag-eeksport ng kapital mula sa Tsina patungo sa iba’t ibang bansa ang numero unong banta sa dating dominanteng posisyon ng Estados Unidos sa buong mundo. 

Kaya naman, lahat ng eksperto sa usaping panseguridad ay binabantayan ang paggalaw ng mga sundalo,  kasangkapan at sasakyang pandigma ng Amerika (submarine, aircraft carrier), laluna sa Asya sa nakikita nilang pagtatangkang lagyan ng bakod ang pinangangambahan nitong ekspansyon ng Tsina.

Isa sa mga pangkalahatang patakarang panlabas ng Estados Unidos ay ang tinaguriang “Pivot to Asia”. Sinusuhayan ng pag-aasta nito bilang “balwarte ng demokrasya” laban sa mga terorista, partikular sa grupong may ekstremistang interpretasyon sa Islam. Ginagamit nito ang “War on Terror” bilang dahilan sa patuloy na pakikialam sa maraming bansa.

Para maisalarawan ang hugis nito, partikular sa Pilipinas, isang kamakailan lang na pangyayari na magpapakita sa pangingialam ng Estados Unidos ay ang pagdedeklara ng Martial Law sa buong Mindanao. Nagsimula ito nang maglagay ng pabuya ang Amerika para dakpin o patayin si Isnilon Hapilon ng Abu Sayyaf Group. Pumatol sa probokasyon ang grupong Maute.  Kinontrol ang ilang establisyemento sa Marawi. Nagdeklara ng Batas Militar si Duterte sa buong Mindanao, nang pinayagang makilahok ang mga sundalo ng Amerika. Dahil dito, nakuha ni Duterte ang isang antas ng pagkokonsolida sa iba’t ibang hanay ng burukrasya na sumuporta sa deklarasyon ng Batas Militar – ang lehislatura at hudikatura. Subalit mapapansin din – laluna sa huling mga linggo ng Mayo at unang bahagi ng Hunyo – na magkaiba kundima’y magkabangga pa nga ang mga pahayag ni Duterte at ng mga heneral ng AFP, partikular sina Gen. Año at Lorenzana ng DND – mga sundalong sinanay ng Amerika.

Kung gayon, ang mga tumitinding mga kontradiksyon sa labas ng bansa – partikular sa kompetisyon sa pagitan ng Estados Unidos at Tsina – ang magtutulak sa mga kaganapan sa ating bansa. Sa ngayon, nasasaksihan natin ang makamandag na mga salita ni Duterte laban sa North Korea, na pangunahing kinakaaway ni Trump ng Estados Unidos. Ngunit kasabay nito’y hinahabol niya ang pamumuhunan ng Tsina sa mga proyektong “build, build, build”, alinsunod sa kanyang planong pang-ekonomya.

Ang paghahabol sa dayuhang imbestor – bilang disensyo ng pang-ekonomyang pag-unlad ng bansa – ay patuloy na isinusulong ng rehimeng Duterte. Ang panukalang Cha-cha ay naglalayong alisin ang mga restriksyon sa dayuhang pagmamay-ari sa mga likas at likhang yaman ng bansa, na nakalagay sa 1987 Constitution. Sa pagpasok ng dayuhang kapital, kating-kati naman na makipagsosyo sa kanila ang oligarkiya – ang mga Sy, Ayala, Tan, Gokongwei, atbp. na papasok hindi lamang sa konstruksyon kundi sa pagpipinansya ng naturang mga proyektong pang-imprastraktura.  Samantala, para makuha ang suporta ng burukrasya – na karamiha’y nagmula sa mga political dynasty sa kani-kanilang mga teritoryo, inaalok ni Duterte ang pederal na porma ng gobyerno, para mas makontrol nila ang buwis na nakokolekta sa kani-kanilang mga kaharian.

Ang masakit, habang papasok ang gobyerno sa mga kontrata ng pagpapautang at pagpipinansya sa naturang mga proyekto, inihahanda nila ang pagrereporma sa pagbubuwis, na papasanin ng mas mahihirap na sektor ng mamamayang Pilipino gaya ng dagdag na buwis sa produktong petrolyo at sa mga inuming may-asukal.

Ngayon pa lamang, sa binaybay nating konteksto sa loob at labas ng bansa, asahan na nating ang mga kontradiksyong pang-ekonomya ay sasaklaw sa ating buhay-pampulitika, sa anyo ng mga kontrobersya at krisis pampulitika.  Lalupa’t ang kasalukuyang estado ay pinamumunuan ng isang butangerong sanggano, na walang pakundangan sa paglabag sa mga karapatang pantao at ngayon pa lamang ay kitang-kita na ang tendensya tungo sa awtoritaryanismo.

Pagsasalubong ng Obhetibo at Suhetibong Kondisyon


Ganunpaman, sa darating na pag-igting ng tunggalian ng uri sa termino ni Rodrigo Duterte – na nagtaas sa ekspekstasyon ng masang Pilipino dahil sa islogan niyang “change is coming”, higit na kinakailangan ang preparasyon ng manggagawa “bilang uri” at “bilang partido” para pamunuan ang demokratikong pakikibaka ng taumbayan.

Taglayin natin ang optimismong magbibigay ang kasaysayan ng mapagpasyang mga yugto para sumulong at magtagumpay. Subalit – mas lalong higit – tanganan natin ang tungkuling mulatin, organisahin, at pakilusin ang uring manggagawa bilang “taliba ng bayan”. Ang saligang sangkap sa paggampan sa mga tungkuling ito ay ang pagbibigay-prayoridad sa ekspansyon at konsolidasyon ng Partido.

Sariwain natin ang mga aral ni Lenin – sa okasyong ito ng ating ikalabinlimang anibersaryo, na nataon din sa sentenaryo ng rebolusyong Bolshevik.

Sa maraming pagkakataon, iniluwal ng kasaysayan ang mga obhetibong kondisyon para mayanig ng krisis ang sistemang kapital. Subalit hindi ito kusang bumabagsak kundi ibinabagsak ng masang manggagawa, na pinangungunahan ng isang mulat-sa-uring rebolusyonaryong partido. Tunay ngang walang magpapalaya sa manggagawa kundi ang kanyang sarili. Ngunit ang ganitong makauring pagkakaorganisa – sa isip at sa gawa – ay imposible hanggang walang sentralisado’t disiplinadong partido sa unahan nito.

Sa ating ikalabinlimang anibersaryo, sariwain natin ang esensya’t rason ng pagkatatag ng ating Partido.

Hindi sapat ang katumpakan sa simulain at katapatan sa pakikibaka. Itaas natin ang ating kapasidad. Patunayan natin sa milyon-milyong masa na may kakayahan tayong ipagwagi ang pakikibaka at gapiin ang kaaway. Upang tayo ay magiging karapat-dapat na ituring ng masa bilang taliba ng masang anakpawis. Akitin, tipunin at pandayin natin ang pinakamahuhusay at pinakamagigiting na elemento ng uring manggagawa at iba pang mga rebolusyonaryong ganap na yumayakap sa simulain ng proletaryado, ang pakikibaka laban sa kapitalismo at para sa sosyalismo.

Huwag tayong madanagan sa bigat ng mga kasalukuyang suliranin ng Partido. Ang pandaigdigang sistemang kapital ay nasa yugto ng krisis, digma, at mga pag-aalsa. Ang kontekstong ito ay magluluwal ng mga bagong pwersa – mga sariwang kadre’t kasapi ng Partido – na handang isapraktika, isabuhay at paunlarin ang teorya’t praktika sa pagsusulong ng rebolusyong Pilipino.  Mabuhay ang PMP! #

Komiteng Tagapagpaganap
Agosto 5, 2017 


Mga Komento