Ang Nagbabadyang Sigwa sa Hanay ng Paggawa


Ang sumisirit na presyo ng mga bilihin dahil sa TRAIN Package 1. Ang napakong mga pangakong “contractualization must stop” at “change is coming”. Ang mga inisyatiba ni kilusang unyon organisahin ang mga kontraktwal. Ang pagkabuhol-buhol ng DOLE at Malakanyang sa mga patakarang nais lumikha ng ilusyong tinutugunan nila ang matagal nang reklamo ng manggagawa at ng kilusang unyon. Ang tunguhin ng estado na umasa sa dahas para diumano’y displinahin ang mamamayan at manatili ang kaayusan at kapayapaan, na kinokopya ng mga abusadong kapitalista. At higit sa lahat, ang deka-dekadang salot ng kontraktwalisasyon na lumikha ng isang populasyon ng milyon-milyong mura at maamong manggagawa.

Ito ang konteksto sa nasasaksihan nating nagpuputukang mga labanan sa lokal na antas, sa mga pabrika, empresa, at establisyemento – partikular sa pagpasok ng taong 2018. Ambon pa lamang hindi pa isang sigwa. Malayo pa sa kilusang welga noong dulong bahagi ng dekada 70 na bumasag sa katahimikan ng Martial Law.

Subalit kung masasabayan ng pampulitikang pagmu-mulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos ay magsi-sibol sa isang malakas na pwersa ng pagbabagong panlipunan.

Ang Napakong “Contractualization must stop”

Umakyat sa pagkapangulo si Duterte nang ipinangako ang pagwawakas sa kontraktwalisasyon. Hindi maitatangging malaki ang naging suporta niya sa hanay ng mga sahurang manggagawa. Dahil sa kanyang ginawa, nailagay sa pambansang entablado ang isyu ng kontraktwalisasyon, na dati ay nasa diskurso lamang ng kilusang unyon. Sa maraming manggagawa, nakita nila ang pangakong ito bilang isa sa mga haligi ng tinaguriang mandato na “change is coming” ng bagong rehimen.

Subalit dahil hindi naman totoong maka-mahirap at maka-manggagawa, at hindi rin sasalingin ang mga kapitalista, dahil hindi naman daw maaring utusan ang mga kapitalista kung ano ang gagawin sa kanilang negosyo, tinangka ng administrasyong Duterte na lumikha lamang ng ilusyon na tinutugunan nila ang hinaing ng mga manggagawa.

Ang unang nilabas ng DOLE ukol sa kontraktwalisasyon ay ang Labor Advisory 10 Series of 2016 (LA10) noong Hulyo 25, 2016. Inulit lamang ng naturang “panawagan” ang pagbabawal o prohibisyon ng Labor Code sa “labor only contracting” o LOC.

Hindi nito sinagot ang matagal nang inirereklamo ng kilusang paggawa na naitatago ng mga kapitalista ang “labor only contracting” sa pamamagitan ng pagrerehistro ng mga kontratista na may hiwalay na entidad, may kapital, may pekeng “power of control”. Nagagawan ring ikontrata sa labas ang mga operasyon ng negosyo na “hindi directly related” (alinsunod sa Article 106 to 109) ngunit ang trabaho ay “usually necessary or desirable” o karaniwang kinakailangan sa isang negosyo (na dapat na ginagawa ng regular na manggagawa alinsunod naman sa Article 280 ng Labor Code).

Ganunpaman, binigyan ng LA10 ng kapangyarihan ang mga Regional Director na magdeklara ng pag-iral ng “labor only contracting”, na nagtulak naman sa maraming manggagawa na magreklamo para inspeksyunin ang kanilang mga employer, na tampok sa industriyalisadong rehiyon ng Calabarzon.

Ang susunod ay ang Department Order 174 series of 2017, na implementing rules para ipatupad ang Articles 106 to 109 ng Labor Code ukol sa contracting at subcontracting) noong Marso 2017. Ang bago sa DO174 ay ang pagsasabing maaring maging regular ang mga kontraktwal sa kanilang mga manpower agency o labor service cooperatives, na agad namang kinontra at tinuya ng kilusang unyon.


Ang DO174 ay tulad din ng DO18-A (2011) sa panahon ni Noynoy at DO10 (1997) sa panahon ni Erap. Ang balangkas nito ay ang regulasyon ng mga contracting at subcontracting, imbes na ang prohibisyon o pagbabawal nito (hindi lamang labor-only contracting kundi lahat ng anyo ng kontraktwalisayson) upang proteksyunan ang karapatan ng manggagawa, na iginagawad sa Secretary of Labor, alinsunod sa Article 106 ng Labor Code.

Dahil sa DO174, itinulak ng kilusang paggawa na maglabas ng Executive Order ang pangulo para ipagbawal ang kontraktwalisasyon upang maipatupad nito ang pangakong “contractualization must stop” noong halalang 2016. Ito ang nagresulta sa sunod-sunod na mga dayalogo ng kilusang unyon sa Malakanyang.

Mayo Uno 2018 nang ilabas ni Duterte ang Executive Order 51. Walang bago sa naturang EO. Hindi ipinagbawal ang lahat ng anyo ng kontraktwal-isasyon. Inulit lamang ang sinasabi ng Labor Code na bawal ang “labor-only contracting” at nasa balangkas pa rin ng regulasyon, hindi prohibisyon.  Itinaktwil ng kilusang paggawa ang EO51, kahit ang mga moderatong sentro ng paggawa.

Mahigit tatlong matapos ang pirmahan ang EO51, nag-utos ang DOLE para sa regularisasyon ng 76,000 manggagawa mula sa 20 kompanya na nakakitaan nila ng kumpirmadong pagsapraktika ng “labor only contracting”. Ayon sa DOLE, sa 3,377 kompanya na pinaghihinalaang may LOC, 767 kompanya ang may kumpirmadong may LOC.

Subalit ang kanilang inilabas ay ang “top 20” lamang sa kanilang listahan. Ito ay ang sumusunod: Jollibee Food Corporation (JFC) (na may 14,960 manggagawa); Dole Philippines (10,521 manggagawa); PLDT Inc. (8,310 manggagawa); Philsaga Mining Corp. (6,524 manggagawa); General Tuna Corp. (5,216 manggagawa); Sumi Philippines Wiring Systems Corp. (4,305 manggagawa); Franklin Baker Inc. (Diamond Plant) (3,400 manggagawa); Philipinas  Kyohritsu Inc. (3,161 manggagawa); Furakawa Automotive Systems Lima Philippines Inc. (PKI Manufacturing Technology) (2,863 manggagawa); Magnolia Inc. sa Gen. Trias, Cavite (2,248 manggagawa); KCC Property Holdings Inc. (1,802 manggagawa); Sumifru Philippines, Corp. District 1 (1,687 manggagawa); Hinatuan Mining Corp. (1,673 manggagawa); KCC Mall De Zamboanga (1,598 manggagawa); Brother Industries (Philippines) Inc. (1,582 manggagawa); Philippine Airlines and PAL Express (1,483 manggagawa); Nidec Precision Philippines Corp. (1,400 manggagawa); Peter Paul Phil Corp. (1,362 manggagawa); Dolefil Upper Valley Operations (Duvo) (1,183 manggagawa); at Dole-Stanfilco (1,131 manggagawa).

Nag apila ang PLDT management sa kautusan ng DOLE at ganundin malamang ang gawin ng iba’t ibang kompanya sa naturang listahan.

Dahil sa listahan ng DOLE, nagmamalaki si Duterte sa kanyang SONA 2018 na nakapagpa-regularisa sila ng 300,000 manggagawa. Ngunit sa talumpati ding ito ay umamin siyang wala siyang kapangyarihan para wakasan ang kontraktwalisasyon (“simply, it is not part of my territory”).

Maaksyong Pakikibakang Lokal

Nililikha man ng Malakanyang at DOLE ang ilusyong tinutugunan nila ang hinaing ng manggagawa ukol sa kontraktwalisasyon. Ang manggagawa naman sa antas pabrika ay hindi pasibong naghihintay sa mga kautusang ito na maganda lamang sa papel ngunit malayong-malayo sa aktwal na realidad.

Pagtaas sa bilang ng mga naghain ng notice of strike (NOS) Tumaas ng 18.7%, mula sa 126 ay naging 155, ang nagfile ng NOS sa unang hati ng 2018. Ang bulto nito, 86 na kaso, ay mula sa kasong unfair labor practice (NOS). Habang 30 kaso naman ang bunga ng deadlock sa CBA negotiations. 8 kaso ang may ULP at CBA deadlock.

Ganunpaman, nananatili ang paghupa sa mga aktwal na welga. Lima (5) lamang ang naging actual strike. Dahil nauuwi ang sigalot sa mediation and conciliation. Ang mga nagwelga ay mula sa Goodyear Steel Pipe, Ateneo de Manila University, Middleby Philippines, NutriAsia Inc., at Valencia Rubbertex. Mas maliit kumpara sa 13 kaso ng actual strike sa unang hati ng 2017.

Umiigting na pakikibakang lokal. Ang mga pagtatangkang magregularisa ang mga kontraktwal – mula sa pagpapainspeksyon sa DOLE, sa pagkumpirma ng DOLE na mayroong LOC, ang pag-oorganisa ng mga kontraktwal, ang pagtatangka na magbuo ng unyon ang mga kontraktwal at/o pagpapasapi sa mga kontraktwal para maging kasapi ng unyon, ang tugon ng management na pagtatanggal sa kanila o pagpapalipat ng kanilang pag-empleyo tungo sa agency o sa bagong agency – ay nagbunsod sa umiigting na pakikibaka sa mga pabrika, opisina, at establisyemento.

Humantong mula sa mga piket ng mga manggagawa sa labas ng pabrika hanggang sa aktwal na pagwewelga, na sinasagot naman ng walang kaabog-abog na karahasan mula sa management, na bunsod ng klima ng pasismo, kung saan ang mga nasa otoridad ay malayang gumamit ng dahas at banta ng dahas para diumano’y manatili ang kaayusan at kapayapaan sa lipunan.

Ang pinakatampok dito ay ang marahas na dispersal ng piketlayn sa NutriAsia sa Bulacan, na bumwelta sa mga kapitalista. Ang larawan ng duguang mukha ni Nanay Leti ay umani ng kondemnasyon sa social media; at imbes na lumikha ng takot ay nagpatindi pa sa pagboboykot sa mga produkto ng naturang kompanya tulad ng Datu Puti, Silver Swan, Mang Tomas, UFC Catsup, Papa Catsup, Golden Fiesta cooking oil.


Ilan lamang sa mga pabrikang kakikitaan ng umigting na pakikibaka laban sa kontraktwalisasyon at para sa mga karapatan sa tamang sahod at benepisyo ay ang sumusunod: NutriAsia, PLDT, Hanjin Shipyard, CoreAsia, Jollibee Paranaque, Honda Parts, AlbertSmith, Pearl Island, Megasoft, Slord Dev’t Corp., PUP Sta. Mesa, Manila Harbor Center, Pepsi Cola Muntinlupa, Middleby, Magnolia, Nexperia, SMT, PLLC, Alaska Milk, Coke Cavite, Coke Davao, Sumifru, Shin Sun, Freshmax, APT, Jason, Kruger, TNT paper, Pacific Plaza Tower, Speedex, Bestank, Latex, Metrodragon Steel, Primewater (Daet), Isetann, ABC, Hitachi Elevators, XPediters.

Partikular sa industriyalisadong rehiyon ng Region 4-A, ang nagkaroon ng sigalot dahil sa regularisasyon ng DOLE, matapos hilingin ng manggagawa ang inspeksyon sa LOC, ay ang sumusunod: Asia Brewery, Toyo Ink, Technoclean, Ram Food, TCB Royal, Nusselt, Lakeside, Asian Transmission, Suzuki, at Waterich Resources.

“Tama na, Sobra Na, Welga na!”

Sa harap ng matinding paghihirap ng manggagawa – dahil sa bumabagsak na kabuhayan dahil sa TRAIN Package 1, sa umiigting na labanan sa antas-lokal, sa pasismo ng estado laban sa mamamayan, inihahapag natin ang panawagang “tama na, sobra na, welga na”.  Ito rin ang islogan noon sa welga ng Tondena noong 1975, na bumasag sa lagim at katahimikan ng Batas Militar.



Nananawagan tayo ng welga hindi dahil ito ang ating “pangkalahatang taktika” sa mga lokal na pakikibaka. Ang krusyal sa pakikibakang masa sa antas-pabrika o establisyemento ay inaabot ng lokal na samahang manggagawa ang ipaglalabang mga kahilingan at ang kahandaang sama-samang isulong ito sa iba’t ibang paraan – kasama ang pagwewelga, kung kinakailangan.

Hindi natin kinakalburo ang isang lokal na pakikibaka tungo sa pagwewelga kung hindi naman handa ang mga rekisitos para dito – hindi lamang ang mga ligal na usapin (notice of strike, cooling off period, strike vote, atbp.) kundi ang kahandaan ng manggagawa na magwelga, kasama ang mga pamamaraan upang makumbinsi ang mga kontraktwal na huwag pumasok at harangan ang pagkuha ng management ng mga eskirol bilang bagong empleyado.

Sapagkat ang tagumpay ng isang welga ay nakasalalay kung ang mapipigilan ang produksyon at operasyon ng kompanya, kung hihinto ang paglikha ng tubo, at dahil dito ay maoobliga ang kapitalista na makipag-usap sa manggagawa tungo sa mga konsesyon o kahilingan.

Ganunpaman, ang paghahapag natin ng ganitong panawagan ay nagsisilbi din propaganda sa welga bilang opsyon ng manggagawa sa kanilang lokal na pakikibaka. Mula nang namayani ang kontraktwalisasyon at nagsara ang malalaking pabrika dahil sa globalisasyon sa pagpasok ng bagong milenyo, hindi na kinukunsiderang opsyon ng mga unyonista ang pagwewelga.

Sa maraming pagkakataon, ang NOS ay ginagamit lamang bilang “panakot” sa management. Hindi naman talaga inaasam (o kahit pinaghahandaan man lang ang aktwal na welga) at nauuwi ang resolusyon ng sigalot sa mediation at conciliation.

Halimbawa, sa isang CBA deadlock, nagdedeklara ng pagwewelga ang isang unyon ngunit ang hinahangad nila ay hanapin lamang ng DOLE-NCMB ang “gitnang posisyon” para pagkasunduan ng unyon at management, laluna sa CBA provision ukol sa wage increase.

Ang panawagang “welga na”, sa usapin ng pakikibakang lokal, ay nasa antas lamang ng pagpapakilala sa “armas ng manggagawa” dahil ang susing taktika ay masasapol sa kongkretong pagsusuri sa mga partikular na kalagayan ng bawat unyon at bawat establisyemento, na hindi masasagot na iisang reseta sa porma o paraan ng pakikibaka para ipanalo ang mga kahilingan. Ika nga, walang “general tactics” sa partikular na kalagayan sa bawat lokal na unyon.

Kung gayon, ang ating tungkulin bilang rebolusyonaryong proletaryong partido, ay kung paano mag-uugnay ang hiwa-hiwalay na pakikibaka sa antas-pabrika tungo sa nagkakaisang laban ng manggagawa bilang isang uri, kung paano ito pagbubuklurin sa isang pangkalahatang pakikibaka ng uring manggagawa.


Ang tinutukoy nating pangkalahatang pakikibaka ay maaring nasa anyo ng pangkalahatang laban sa mga bagong batas sa kontraktwalisasyon gaya ng EO51 at DO174 o para sa mga pagbabaklas sa Artikulo 106 hanggang 109 ng Labor Code, na siyang ligal na batayan ng salot na ito (lalupa’t sa SONA ni Duterte ay inuutusan niya ang kongreso’t senado na gumawa ng batas ukol dito, nang itinatagong may kapangyarihan ng Presidente na ipagbawal ang pagkokontrata ng trabaho).

Sa kabila nito, ang islogang “tama na, sobra na, welga na” ay sumasalamin din sa isang porma ng pakikibaka na, sa kasaysayan, ay ang ultimong armas ng unyonistang pag-oorganisa sa hanay ng masang manggagawa.

At kapag inabot na ng kilusang paggawa ang kapasidad na ilunsad ang pangkalahatang welga, ang uring manggagawa na ang tatanawing lider ng pakikibaka ng sambayanan para sa demokrasya, na siyang unang hakbang sa tuloy-tuloy na sosyalistang pakikibaka para pawiin ang kahirapan at pagsasamantala ng tao sa tao. #

Mga Komento