“Students must realize that they are both students and Filipinos. We must be concerned with both local and national issues. Students are not messiahs. We can only inform if we are informed. And the best way to be informed is to actually integrate with the people. We must help in the conscientization of our people. Helping our people find a political formulation to their immediate problems demands that the students learn from society. We need to change our society in a very fundamental way towards social and national emancipation. And the students are in a position to serve as catalysts in social transformation.That is the historical role of the students” – Lean Alejandro (mula sa librong “Six Young Filipino Martyrs”)
NITONG Setyembre 19, 2017 ang ika-30 anibersaryo ng pagpaslang kay Lean Alejandro.
Si Lean ay isa sa mga magigiting na rebolusyonaryo ng kanyang panahon. Kilalang personalidad ng kilusang anti-Marcos at lider ng mga pakikibakang masa sa bagong tatag na elitistang demokrasya matapos ang Edsa 1986.
Sa panahon ng ligalig, sa tumitingkad na pasistang tendensya ng rehimeng Duterte tungo sa ganap na diktadura’t awtoritaryanismo, nananatiling inspirasyon ang isang Lean Alejandro.
Hindi lamang sa masang kanyang pinagsumpaang paglingkuran ng buong husay at talino kundi sa mga aktibistang kabataan, laluna sa sektor ng kabataang estudyante na balon ng mga kadre’t intelektwal ng rebolusyonaryong kilusan.
Iskolar ng Bayan
Sa katauhan ni Lean, nagkaroon ng personipikasyon ang mga katagang “iskolar ng bayan” na karaniwang deskripsyon sa mga mag-aaral sa mga state colleges and university. Siya ay hindi lamang pinag-aaral ng buwis na pinapasan ng taumbayan.
Higit dito, siya ay isang tunay na iskolar. Sinusuri niya ang kanyang paligid, gamit ang syensya, hindi lang para ito ay unawain kundi upang baguhin ito.
Nag-enrol si Lean sa UP Diliman noong 1978 sa kursong BS Chemistry bilang paghahanda sa pagkuha ng medisina, sa paniniwalang ito ang pinakamabisang paraan ng pagtulong sa mga mamamayan. Ngunit matapos makadalo sa mga klase sa history at political science, natuklasan niya ang Marxistang “pag-unawa sa paligid at sa lipunan”. Dahil dito, nag-shift siya sa kursong Philippine Studies.
Ang pagkaunawang iyon sa pulitika ang nagdala sa kanya upang sumapi sa Anti-Imperialist Youth Committee, na kinalauna’y naging YND.
Sa ikalawang taon niya sa kolehiyo, sumapi siya sa Philippine Collegian Liberum, ang publikasyong pangmag-aaral ng UP bilang feature writer, kung saan nagsulat siya ng samutsaring paksa, tulad ng pagtataboy na parang mga daga sa mga dukhang iskwater at kawalan ng pagkakapantay sa lipunang Pilipino. Mas napukaw ang kanyang diwa sa reyalidad ng lipunan nang sumapi siya sa publikasyong ito.
Tinanganan ni Lean ang iba’t ibang katungkulan sa UP. Naging pangalawang pangulo at kalaunan ay naging pangulo siya ng Konseho ng Mag-aaral ng Kolehiyo ng Sining at Agham (CAS). Taong 1981, nang pamunuan niya ang isang martsa sa tulay ng Mendiola, na unang protesta matapos na i-lift ang Batas Militar.
Kasunod nito’y naging pangalawang pangulo at naging pangulo siya ng Konseho ng Mag-aaral ng UP noong 1983 subalit nadurog ang konsehong iyon tatlong taon matapos itong matatag dahil sa paglaban nila sa nakaambang 400% pagtaas ng matrikula.
Naging tambayan na ni Lean ang aklatan ng Third World Studies Center at nagbabasa ng samutsaring mga babasahing pulitikal at pati na mga akda nina Karl Marx, Vladimir Lenin, Leon Trotsky, Mao Tse Tung, mga teoretisyan ng Europeanong New Left, ang historyador na si E. H. Carr, atbp. Gayunman, hindi lang sa mga ganitong tipo ng akda siya nahumaling. Binasa rin niya ang buhay-pag-ibig nina Marx at asawang si Jenny. Masugid ring tagahanga si Lean ng manunulat ng panitikan na si J.R.R. Tolkien at ang mahabang nobela nitong Lord of the Rings, na ang kwento’y ikinukumpara ni Lean sa mga nangyayari sa lipunan.
Gawaing Alyansa at
Pakikipagkaisang Prente
Kasabay ng pagiging lider-estudyante, malaki ang papel na ginampanan ni Lean sa pagbubuo ng mga malalawak na multisektoral na samahan sa kasagsagan ng Batas Militar. Kasama siya sa nagbuo ng PAPA nang dumalaw si Pope John Paul II sa Pilipinas noong 1981. Kasama rin siya sa nagbuo ng People’s MIND noong 1982 laban sa mapanlinlang na pambansang reperendum ni Marcos.
Taong 1983, nang dumating ang rebolusyonaryong agos sa pagpaslang kay Ninoy Aquino, bumulwak sa lansangan ang naipong galit ng taumbayan sa represyon at pang-aabuso ng Batas Militar, kasama ang paghihirap ng taumbayan habang yumayaman ang mga kroni ni Marcos,
Kasama si Lean sa pagbubuo ng malawak na alyansang JAJA (Justice for Aquino, Justice for All). Sa pamantasan ng tunay na buhay, sa larangan ng tunggalian ng uri, nakita niya ang hangganan ng apat na sulok na paaralan para sa komprehensibong pag-aaral ng lipunan.
Umalis siya sa UP upang pangunahan ang mga martsa’t kilos-protesta sa lansangan, magsalita sa mga rali at iba pang pagtitipon, at makipag-alyansa sa mga negosyante, pulitiko, propesyunal, manggagawa at maralita upang labanan ang rehimeng Marcos. Naging bahagi rin siya ng grupong Kaakbay na pinamumunuan ni dating Senador Jose Diokno at ng Nationalist Alliance for Justice, Freedom and Democracy (NAJFD) noong 1984.
Noong 1985 ay itinatag ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at si Lean ang naging pangkalahatang kalihim nito.
Bisperas ng Araw ng mga Puso noong 1985 ay inaresto si Lean kasama si JV Bautista habang sila’y nakikipag-negosasyon para sa mga estudyanteng nagmamartsa patungong Kampo Aguinaldo. Dinala sila at ipiniit sa Camp Ipil Detention Center. Hinuli sila dahil sa Preventive Detention Arrest (PDA) na isang dekreto ni Marcos na nag-aatas ng pagkapiit sa pinaghihinalaang tao sa loob ng isang taon nang walang pormal na kaso o reklamo.
Nang makalaya ay nanatiling matatag si Lean at agad siyang bumalik sa kilusang protesta at gumampan sa kanyang tungkulin bilang pangkalahatang kalihim ng BAYAN. Sa naturang posisyon, siya ang naging tagapagsalita ng posisyong “Boykot” ng BAYAN (at ng CPP), isang kontra-agos na postura na umani ng batikos sa iba’t ibang mga kaalyado sa malawak na kilusang anti-diktadura. Inamin din ng CPP ang pagkakamali sa naturang patakaran, nang pumutok ang Edsa People Power noong Pebrero 1986 at naagaw ng burgesyang anti-Marcos – sa pamumuno ni Cory Aquino – ang pamumuno sa demokratikong pakikibaka.
Subalit nananatili ang respeto ng mga kaalyado sa isang Lean Alejandro. Matikas niyang ipinagtanggol ang posisyong “Boykot”. Ngunit hindi mababakas sa kanya ang anumang bahid ng sektaryang arogansya. Bukas sa pakikipag-usap sa lahat ng panig, kahit sa mga personalidad na may ibang pananaw, at higit sa lahat, handang tumanggap ng puna at umamin ng pagkakamali. Tapat at mapagkumbaba, ito ang katangian ng isang tunay na rebolusyonaryong intelektwal.
Elektoral na Pakikibaka
Sa diumano’y “restorasyon ng demokrasya” matapos ang EDSA 1986, maraming kabataan, marahil dahil na rin sa siphayo at demoralisasyon ng maling patakaran, ang tumigil na sa aktibismo. Ngunit hindi pa tapos ang laban. Itinuloy ni Lean ang pamumuno sa mga pakikibakang masa na humantong noon sa sunod-sunod na mga welgang bayan dahil sa pagtaas sa presyo ng langis. Tinuklas din ang mga bagong larangang dating pinandidirihan ng kilusang Kaliwa sa bansa, tulad ng paglahok sa eleksyon.
Nagpasiya siyang lumahok sa pulitika at tumakbo bilang kinatawan ng distrito ng Malabon-Navotas upang dalhin ang pulitika ng taumbayan sa loob ng Kongreso. Ang kanyang islogan ay: “Sa bagong pulitika, mamamayan ang magpapasiya.”
Nilabanan niya sa pagka-kongresista si Tessie Aquino-Oreta, ang bunsong kapatid ni Ninoy Aquino. Ang hipag ng pangulong si Cory Aquino ay tumakbo sa panawagang “Ang boto kay Tessie ay boto kay Cory”. Natalo si Lean ng 10,000 boto sa halalan sa gitna ng mga ulat ng malawakang pandaraya at pananakot.
Pagpaslang
Setyembre 19, 1987 nang barilin si Lean sa harap ng opisina ng BAYAN sa Cubao, Quezon City. Nagmula siya sa isang press conference sa National Press Club (NPC) para tutulan ang lumalaking impluwensya ng militar sa gobyerno ni Cory Aquino at ianunsyo ang welgang bayan upang labanan ito. Namatay ang karismatikong lider ng bayan na si Lean Alejandro sa edad na dalawampu’t pito.
Ang pagpaslang kay Lean ay naganap ilang araw matapos ang nabigong kudeta ng mga sundalo sa pamumuno ni Col. Greg Honasan. Karugtong ito sa mga matitingkad na paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng transisyon sa panunumbalik ng elitistang demokrasya, gaya ng Mendiola Massacre, Lupao Massacre, at asasinasyon ng abogadong si Ka Lando Olalia mula sa hanay ng kilusang paggawa.
Ang kanyang mga labi sa huling hantungan ay hinatid ng martsa ng daan-daang libong mamamayan, karamiha’y mula sa hanay ng manggagawa at maralitang lungsod. Nagdadalamhati ngunit nagpapasalamat sa buhay na inalay ng isang magiting na lingkod na masang anakpawis. #
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento