NAKIKIISA ang patnugutan ng pahayagang Manggagawa sa galit at pagkamuhi ng sambayanan sa pagpaslang kay Kian delos Santos, isang estudyanteng nasa Grade 11. Kitang-kita sa CCTV footage. Dinampot siya ng mga pulis Kalookan. Ilang minuto lamang ay natagpuan ang kanyang bangkay sa isang dead end na eskinita. Pinaputukan, diumano’y nanlaban. Nakuha sa tabi ng kanyang labi ang .45 kalibreng pistola at pakete ng shabu na nagkakahalagang P16,000.
Ayon sa awtopsiya, ang binatilyo ay nakahiga nang tinamo niya ang tatlong tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan (dalawa sa ulo), na agad niyang ikinamatay.
Ang pagpaslang kay Kian ay dagdag na istatistika sa tinatayang mahigit 12,000 na pinatay sa tinaguriang “Gyera laban sa Droga”. Subalit hindi siya ang unang kabataan na naging biktima ng marahas na kampanya ng gobyerno sa iligal na droga. Ang iba pa ay sina Rowena Tiamson, 22; Roman Manaois, 20; Jefferson Bonuan, 20; Raymart Siapo, 19; Joshua Cumilang, 18; Hideyoshi Kawata, 17; Erica Fernandez, 17; Michelle Diaz, 16; Kristine Joy Sailog, 12; San Nino Banucan, 7; Danica May Garcia, 5; Francis Manosca, 5; at, Althea Barbon, 4.
Kalokohan ang sinasabing “courier” si Kian ng ipinagbabawal na gamot. Ang kanyang ama, na binansagan ding pusher, ay naghamon na kay PNP Chief Bato dela Rosa, na handa siyang magpa-drug test, pati ang kanyang pamilya para pabulaanan ang kasinungalingan ng pulis Kalookan. Pero, higit dito, hindi dahilan ang pagiging “runner” – kahit ito ay totoo – para barilin at patayin siya ng mga alagad ng batas.
Sa mga pahayag ng mga kapitbahay at kaklase, iisa ang kwento: mabait na bata ang pinaslang na binatilyo. Ayon sa mga saksi, naringgan pa si Kian na nakikiusap sa mga pulis: “Sir, tama na po, may exam pa po ako bukas, mag-aaral pa ako”.
Si Kian ay personipikasyon ng mga biktima ng “War on Drugs”. Mula sa mahirap na pamilya at walang koneksyon sa gobyerno. Nakatira sa komunidad ng mga maralita. Nag-aaral at nangangarap (na maging pulis!). Pinag-aaral ng kanyang inang si Lorenzana, na isang domestic helper sa Saudi Arabia, at ng kanyang ama na nagtitinda ng mga inangkat na kalakal mula sa Divisoria. Kaya naman, ang kasong ito ang pinakamatibay na ebidensya na ang totoong inilulunsad ng gobyerno ay isang “war on the poor”, isang gyera laban sa mahihirap.
Humarap man sa mga magulang ni Kian si Duterte, hindi maitatanggi ang kanyang pagkasangkot sa naturang krimen. Bilang punong ehekutibo, siya ang pinakamataas na opisyal sa bansa at sa kanya sumusunod ang mga militar at pulis.
Pero higit dito, ayon sa 2016 annual report ng Commission on Audit (COA), ang “Awards/Rewards and Prizes” ng Office of the President ay tumaas ng 6,133.64%, mula sa P110,000 noong 2015 ay naging P6.857 milyon sa loob lamang ng isang taon. Tumaas ito dahil sa pabuya ng gobyerno sa kapulisan, aniya, sa “awards given to PNP personnel due to meritorious and invaluable services rendered during the second semester of CY 2016”.
Hindi demonyo kundi premyo ang sumanib sa mala-demonyong kapulisan, na armadong destakamento ng estado para pasunurin ang milyon-milyong di-armadong mga sibilyan.
Pagpapatuloy ng Laban kontra Kontraktwalisasyon
Tila walang nagbabago. Patuloy sa pangangako ni Duterte na wawakasan ang kontraktwalisasyon. Hindi naman niya inaatasan si DOLE Secretary Bello na ipagbawal ang pagkokontrata ng trabahong “usually necessary or desirable”, na dapat ay ginagawa ng isang regular employee (Artikulo 280) . May kapangyarihan ang Kalihim ng Paggawa na ipatupad ang ganitong prohibisyon, (Art. 106 ng Labor Code).
Nangako rin siyang gawing “urgent” ang panukalang “security of tenure bill”, na susuportahan ito ng super majority sa Kongreso. Pero isa na naman ito sa mga napakong pangako. Magkukusa bang maging maka-manggagawa ang bulwagan ng mga baboy at buwaya, na kapulungan din ng mga representante ng kapital?
Parang tumigil ang laban sa kontraktwali-sasyon “mula sa itaas”. Subalit umaandar ang mga hidwaan ng kapital at paggawa sa antas-pabrika.
Ayon sa mga kasama sa teritoryo ng Calabarzon, may isyu ng regularisasyon sa siyam (9) na pabrikang ininspeksyon ng DOLE. Inutusan nitong iregularisa ang may 2,369 na manggagawa. Kabilang ang Asia Brewery sa Cabuyao na natuklasang may labor-only contracting sa 351 na manggagawa. Guilty ang Work Trusted Manpower Coop at ang mismong Asia Brewery ni Lucio Tan.
Sa Dusit hotel sa Makati, noong Mayo 16, 2016, inutusan ng DOLE ang may-ari na iregularisa ang 309 (mula sa 382) na empleyado at bayaran sila ng P48 milyon.
Ang inspeksyon ay hiningi ng pangulo ng supervisory union, na tinanggal ng management sa mismong araw na makipagpirmahan ito ng bagong CBA. Ninakaw daw ng lider-manggagawa ang tsokolateng naiwan ng umuwing guest. Dahil dito, naghahandang magwelga ang unyon sa isyu ng union busting. Ang totoo, sa ulat ng mga kasama sa Komiteng Rehiyon ng Manila-Rizal, ito ay ganting reaksyon sa naging resulta ng inspeksyon ng DOLE.
Pinatutunayan ng mga kaganapang ito na ang tunggalian ng uri ay nagaganap ng independyente sa kagustuhan ninuman, bunga ng magkabanggang mga interes sa lipunan. Patuloy itong umiinog. At ang tungkulin ng PMP ay organisahin ang mga lokal na pakikibakang ito tungo sa makapagyarihang pangkalahatang laban ng uring manggagawa. #
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento