PINIRMAHAN kamakailan ni Pangulong Duterte ang Republic Act 10931 na nagdedeklarang mula ngayong taon ay obligasyon na ng gobyerno ang pagbibigay ng libreng edukasyon sa kolehiyo at mga institusyong bokasyunal at teknikal sa lahat ng kabataang Pilipino, kahit na matindi ang pagtutol ng mga ahensiyang gaya ng Department of Budget and Management (DBM) at Commission on Higher Education (CHEd).
Dahil dito, kaliwa’t kanang papuri ang inani ni Duterte habang nag-agawan naman sa kredito ang mga burgis na pulitiko gaya ni Bam Aquino at Joey Salceda at ang ligal na mga organisasyon sa kabataan ng Maoistang partido.
Sa titulo pa lamang ng batas “Universal Access to Quality Tertiary Education Law”, nagmistulang binigay na ng gobyerno ang deka-dekada nang kahilingan ng mga kilusang kabataan at ng kilusang mamamayan para sa libre’t dekalidad na edukasyon sa lahat ng antas.
Pero sa malalimang pagsusuri, lalabas na ang kabaliktaran pala sa titulo ang nilalaman ng RA 10931.
Hindi Libre
Habang ipinagsisigawan ng batas na libre ang matrikula at lahat ng gastusing kinakailangan para makapagtapos ng pag-aaral ang mga kabataan, malinaw na ito ang kabaliktaran sa programang Tertiary Education Subsidy (TES) na linikha ng RA 10931.
Sa ilalim ng TES, itatakda ng Unified Financial Student Assistance System for Tertiary Education (UniFAST). Ito ang regulasyon kung magkano ang subsidyong matatanggap ng bawat magaaral.
Kaakibat nito, ipinagutos din ng batas ang pagbubuo ng isang programang pautang na gagabayan ulit ng UniFAST para sa mga estudyanteng madidiskwalipika at di makakatanggap ng libreng edukasyon.
Ang kabuuan ng utang ay babayaran sa paraan ng pagkakaltas sa kanilang buwanang sahod. Ang itatakdang porsyentong pambayad-utang ay ikakarga sa buwanang kontribusyon nito sa SSS man o sa GSIS kapag namasukan na ito matapos ang kolehiyo.
Malinaw na hindi na matatawag na libre ang edukasyon kung mababaon naman sa utang at mga bayarin ang mga magaaral at sila rin pala ang papasan sa kanilang pagaaral. Wala itong pinagkaiba sa dati nang programang “study now, pay later” ng mga kapitalistang gobyerno, na sa abanteng bansa ay naglubog sa utang sa mga pamilya ng manggagawa.
Sa Estados Unidos, umabot pa nga na binabayaran ng mga bagong empleyado ang inutang ng kanyang mga magulang para sila ay makapag-kolehiyo! Ang usapin ng student loans ay isa sa pinakamatinding problemang binabalikat ng mga Amerikano. Pero gustong kopyahin ng gobyernong Duterte para maging pasanin ng kabataang Pilipino!
Selektibo at Hindi Unibersal
Hindi totoong ang lahat ng may kagustuhang makapag-aral ay malaya nang makakapag-enrol sa kolehiyong nais nitong pasukan. Tadtad ang RA 10931 ng mga kwalipikasyon bago matamasa ng mga kabataan ang libreng edukasyon ng gobyerno.
Nakasaad sa ilalim ng Section 6 na kinakailangan munang pumasa sa entrance exam ng pamantasan ang lahat ng gustong mag-aplika ng libreng edukasyon.
At dahil kailangan munang ipasa ang entrance exam, maliit lamang ang pagasang makalusot dito ang mga nagmula sa mga paaralang atrasado ang pasilidad at kapos sa suporta ng gobyerno. Ibig sabihin, sa pagpasok pa lamang lyamado na ang mga nakapagaral sa mga pribadong elementarya’t hayskul na may maunlad na pasilidad at may mas maliit na teacher-student ratio kaya natutukan ng guro ang pag-unlad ng mga mag-aaral.
Ayon sa batas, ang lahat ng hindi papasa sa pamantayan ng gobyerno pero nais mag-aral ay sisingilin ng buong halaga ng matrikula.
Nabanggit din ng ilang senador na hindi rin maaaring mapabilang ang sinuman na may bagsak na grado sa huling semestre. Nitong nakaraan, ipinahayag naman ng DBM Secretary na si Benjamin Diokno na ibabalik nila ang NCEE, isang mandatory exam ng gobyerno para bawasan ang bilang ng mga makakapagkolehiyo at makakuha ng libreng edukasyon.
Nagmistulang isang pampublikong scholarship ang programang tinagurang “Libreng Edukasyon” dahil selektibo’t limitado lamang ang makakamit nito. Kung kaya’t wala pa rin itong pinagkaiba sa kasalukuyang sitwasyon na ang tanging mga pamilyang may pinansiyal na kapasidad ang maari lamang magkolehiyo.
Ang makapag-aral sa kolehiyo ay hindi na isang karapatan na tinitiyak ng gobyerno para tamasahin ng kanyang mamamayan kundi nagiging pribilehiyo ng may kakayanang bilhin ang naturang kalakal, na kanila namang binibili para mas bigyan ng tsansang umangat sa buhay (ang totoo’y potensyal na umangat ang sweldo dahil ang kanilang paggawa ay magiging ispesyalisado na at magkakaroon ng mas mataas na presyo).
.
Kawalan ng badyet
Nang tanungin kamakailan si Duterte kung paano tutustusan ng gobyerno ang programa nitong libreng edukasyon, ang tanging sagot nito ay “Ewan”. Kulang kasi – ayon sa mga mambabatas – ang badyet nito para sa kakailanganing mahigit P10 bilyon sa matrikula at P6 bilyon para sa iba pang mga gastusin, na ilalaan sa tinatayang 984,000 na enrollees na papasok sa mga pampublikong pamantasan sa susunod na taon.
Dagdag pa dito, ang P13 milyon subsidyo para sa mahigit 200,000 magaaral sa mga pribadong kolehiyo, ayon mismo sa may akda ng batas, si Cong. Joey Salceda.
Dito ngayon mabibisto ang sinseridad sa ipinangakong libreng pa-kolehiyo ni Duterte, paano magiging totoo ang free college education kung hindi muna tiniyak ang badyet para dito?
Palsipikado ang libreng edukasyon ni Duterte dahil kahit ipagpag pa natin ang RA 10931 ay walang sinasaad dito na otomatikong apopriyasyon para ipatupad ito. Hindi gaya ng pambayad utang sa mga dambuhalang mga lokal at internasyunal na bangko na sigurado paglalaanan ng gobyerno taun-taon, alinsunod sa RA 1177 o automatic appropriations law.
Hindi dekalidad
Walang linalaman ang RA 10931 hinggil sa pagpapaunlad ng kalidad ng edukasyon sa bansa. Paano gagawing dekalidad ang edukasyon kung wala naman otomatikong badyet taon-taon para tiyakin ang kalidad, ang pagpapaunlad ng mga pasilidad ng ating mga pampublikong pamantasan, at ang pagtitiyak sa kagalingan ng mga propesor sa state colleges and universities?
Kahit pa sabihin na libre ang edukasyon, ito ay walang saysay kung magiging katulad lamang ng mga diploma mill sa university belt – na ngayo’y nadagdagan pa ng mga diumano’y kolehiyo na accredited ng TESDA sa mga kursong voc-tec, na taon-taon ay nagluluwal ng libo-libong mga gradweyt na nahihirapang matanggap sa trabaho dahil kapos na kapos sa kaalaman at kasanayan para pakinabangan ng komersyo’t industriya.
Hanggang sa kasalukuyan nga’y nanatiling malaki ang backlog sa klasrum, gusali at iba pang pasilidad ng mga pampublikong pamantasan, pinangangasiwaan man ito ng pambansang ahensya o ng local government unit.
Sino ang tunay na makikinabang
Kung hindi pala makikinabang sa libreng edukasyon ang maralitang pamilyang Pilipino para magamit bilang instrumento sa kanyang paglaya sa karukhaan at pang-aapi, sino ngayon ang makikinabang dito?
Walang iba kundi ang naghaharing uring kapitalista. Gaya ng kalakaran sa programang K-12, sasagutin ng gobyerno ang matrikula at iba pang gastusin ang makakapasa sa pamantayan ng gobyerno na nais mag-aral sa pribadong pamantasan, kung kaya’t garantisado ang bilyon pisong tutubuin ng mga kapitalista-edukador mula sa buwis ng manggagawang Pilipino.
Sa mas malawak na pagsusuri, makikinabang ang naghaharing uri sapagkat ang iilang makakapagtapos ng kolehiyo’t voc-tech dahil sa programang ito ay makakakamit ng sapat-sapat na kasanayan, kaalaman at kahandaan para sa pangangailangan ng kanilang mga korporasyon. Ang edukado’t mahuhusay ngunit mga sunod-sunurang mga empleyado ang pagmumulan ng limpak-limpak na tubo ng mga kapitalistang korporasyon.
Nananatiling instrumento ang edukasyon hindi para sa indibidwal at kolektibong pag-unlad ng mamamayan kundi para pa rin sa kapitalistang merkado. Sa isang bansang atrasado ang sektor ng industriya at nakaasa sa pagiibang bansa ng mga kababayang OFW, ang polisiyang ito ay paraan ng paggarantiya ng gobyerno na tuloy-tuloy ang suplay ng mura, kontraktwal na empleyadong may kakayahan sa mga kapitalistang kumpanya, lokal o sa ibang bansa
Tuloy ang laban para sa libre’t dekalidad na edukasyon
Kung mayroon mang positibong idinulot ang pag-aapruba ni Duterte sa RA 10931, ito ay pagkilala sa pangmatagalang pakinabang sa lipunan ng isang edukado at may kakayahang mamamayan bunga ng polisiyang libreng edukasyon sa lahat ng antas - hindi lamang primary education.
Subalit aanhin ang ganitong “realisasyon” kung ang dalisay na intensyon ng batas ay sadyang hindi makakamit dahil ito ay butas-butas?
Kung gayon, kailangang ituloy ang laban para sa libre’t dekalidad na edukasyon. Pagsanibin ang inisyatiba’t enerhiya ng kilusang estudyante at ng kilusang paggawa para singilin si Duterte sa kanyang mapanlinlang na patakaraan. Sapagkat sa ganitong paraan din maaakit ang mga intelektwal para ilaban ang ganap na panlipunang pagbabago, na walang ibang pwersang sasandigan kundi ang rebolusyonaryong kilusan ng manggagawa at masang anakpawis. #
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento