Mga Kontrata ng Meralco: Monopolyo Manloloko


Ang Meralco ay kilalang monopolyo sa distribusyon ng kuryente sa bansa. May ekslusibong kontrol sa Metro Manila at karatig probinsya. Sumasaklaw sa anim na milyong konsyumer, kung saan 92% ay residential. Ito ang pinakamalaking distribution utility sa bansa.

Nabawi ito ng pamilya Lopez matapos ang Edsa 1986. Ngunit nang magpasya silang magkonsentra sa power generation. Ang mayorya ng shares ng Meralco ay nabili ni Ramon Ang ng San Miguel, at ngayo’y kontrolado na ni Manny Pangilinan, na mas kilala bilang MVP.

Dahil isang higanteng korporasyon, ipinagmamalaki ng Meralco na ito ay raw episyente sa pagseserbisyo sa kanyang sinasaklaw na teritoryo. “May liwanag ang buhay”, sabi ng kanilang komersyal. Kung titingnan ay tila nagmamalaking may busilak na intensyong magbigay ng liwanag sa mga kabahayan at magpaandar ng komersyo’t industriya.

Subalit ang totoo, ang Meralco ay isang negosyo. Ang tanging iniisip nito ay pagpapalago ng kanilang tubo. At dahil isa itong monopolyo, na may laksa-laksang tubo, nagagawa nitong pasunurin ang gobyerno at baliktarin ang mga regulasyong dapat ay nagbibigay proteksyon sa publiko.

Kita-kita ang ganitong kapangyarihan ng isang monopolyo sa ikinasang pitong (7) power supply agreements o (PSA).

Sweetheart contracts

Ang PSA ay kasunduan sa pagitan ng distribution utility (DU) o nagbebenta ng kuryente sa mga kumpanyang lumilikha nito, ang mga generation companies (GenCo). Dahil tuloy-tuloy na protesta ng mamamayan sa tuwing tumataas ang presyo ng kuryente at tuwi-tuwinang reklamo ng mga namumuhunan ang presyo ng kuryente sa bansa, nananatili ang ilang regulasyon sa industriya ng kuryente, hindi tulad ng oil industry na pinagpasyang gawing fully deregulated noong 1998.  

Isa na rito ang competitive selection process ng Energy Regulatory Commission (ERC) para siguruhing protektado ang interes ng publiko habang naghahabol ng tubo ang mga DU at mga GenCo. Sa pitong PSA ng Meralco, huling-huli ang kuntsabahan nito sa ERC.

Ang Meralco ay nakipagkontrata sa mga kompanyang pag-aari din nito. Ayon sa batas, hindi dapat lumagpas sa kalahati ang pagmamay-ari ng DU sa Genco na bibilhan nito ng enerhiya. Pero kanino nakipagkontrata ang Meralco? Sa kanyang sarili! Ang Atimonan One Energy Inc. ay pag-aari nito ng 100%; ang Mariveles Power Generation Corp., 50%; ang St. Raphael Power Generation Corp., 49%; ang RP Energy, 48%; at ang Global Business Power Corporation, 22%. Ang kuryente ay nilikha at binili ng mga kompanya ni MVP. Dobleng tubo si Pangilinan. Pero sino ang nagbayad sa paglikha at paggamit ng kuryente? Ang kumokonsumong publiko!

Ang kabalintunaan, nakikipagkontrata ang Meralco para sa suplay ng kuryente gayong may ilan dito, gaya ng sa Atimonan One Energy Inc, na hindi pa nagagawa ang planta! Siniguro munang may bibili na sa kuryenteng malilikha upang makakuha ng mga imbestor na magpapautang sa pagtatayo ng planta sa Quezon.

Midnight deal

Ang orihinal na deadline ng CSP ay itinakda noong Nobyembre 6, 2015. Ngunit ito ay nagkaroon ng ekstensyon hanggang Abril 30, 2017. Kailan nagsumite ang Meralco? Abril 29, isang araw bago ang bagong dedlayn. Halatang pinatagal ito para pagbigyan ang Meralco. May 93 PSA ang inihain mula March 15, hanggang sa dedlayn noong Abril 30, binubuo ito ng 4,500MW na suplay, kung saan 79% o 3,551MW ay para sa Meralco.

Mahal at pangmatagalan

Kapag naaprubahan ang mga PSA, binabakuran ng Meralco ang kanyang prangkisa, hindi na lamang sa pagbebenta o distribusyon ng kuryente, kundi maging sa generation o paglikha nito sa kanyang mga “sister companies”. 

Pero kulang pa ito para lubos na makita ang anomalya sa naturang mga kontrata. Ang siste, ang mga kumpanyang katuwang ng Meralco ay may bid price na P3.50/kwh kumpara sa kanyang mga kakumpetensya (mula sa tinaguriang malinis na enerhiya tulad ng solar) na nasa P3/kwh lamang.

Ang mga kasunduang ito ay nakaambang magsimula sa 2020 o 2022 at matatapos sa 2040 o 2042. Ibig sabihin, mahigit dalawang dekada tayong pagtitiisin ng Meralco sa mas mahal ngunit mas maruming kuryente!

Bukod pa, ginagamit rin ng Meralco ang mga PSA upang ikutan ang pagtatapos ng kanilang prangkisa sa 2028. Kaya’t kahit maalis na ang kanilang prangkisa sa distribusyon, makatitiyak pa rin itong sa kanyang pagmonopolyo sa kanyang saklaw na erya!


Marumi at nakamamatay 

Ang coal o karbon ang pinakamaruming pinagmumulan ng kuryente. Isa ito na tinuturong dahilan ng mabilis na pag-init ng daigdig na sanhi ng malalakas na bagyo at matitinding tagtuyot sa kasalukuyan. 

Ayon sa isang pag-aaral sa Harvard University, tinatayang nagiging doble hanggang triple ang gastusin sa paggamit ng karbon kung lalagyan ng halaga ang nagagawa nitong pagkasira sa kalikasan at sa kalusugan ng mga komunidad sa tabi ng naturang mga planta.  

Ang pagdumi ng hangin dulot ng karbon ay ugat ng maraming sakit. Taon-taon, sa Estados Unidos – at sa kabila ng mga regulasyon sa paggamit ng makabagong teknolohiya – tinatayang nasa 7,500 Amerikano ang namamatay dahil sa paglanghap ng mga lasong dulot ng mga plantang pinaaandar ng karbon. 

Meralco, manlolokong monopolyo! Tutulan ang mga kontrata ng Meralco. Parusahan ang mga tiwaling opisyal ng ERC na kakutsaba ni MVP sa paghahabol nito sa tubo, kahit pa maperwisyo’t mapahirapan ang hirap nang mamamayan! Isulong ang sistema sa enerhiyang kumakalinga sa kalikasan, kabuhayan, kalusugan at karapatan ng masang Pilipino. #

Mga Komento