Para tustusan ang planong “golden age of infrastructure”, na may islogang “build, build, build”, ang rehimeng Duterte ay nagbabalak ng pagbabago sa sistema ng pagbubuwis.
Ang balak niyang reporma ay ang tinaguriang “Tax Reform for Acceleration and Inclusion” o TRAIN. Pero sino ang sasagasaan ng mabilisang tren na ito, na sinasabing lahat daw ay kasali sa pakinabang?
Ano ang TRAIN?
Ang TRAIN ay ipinanukala ng Department of Finance bilang serye ng mga pagbabago sa pagbubuwis, na tinawag nitong mga “package”. Para maipatupad, kailangan isabatas ng kongreso’t senado ang mga pagsasabatas. Gaya ng naunang mga comprehensive tax reform package na nagtaas sa VAT.
Ang intensyon ay gawing “simple, makatarungan, at mas episyenteng sistema sa pagbubuwis, kinakatangian ng mababang halaga ng buwis at malapad na pundasyon ng mga nagbabayad ng buwis”.
Ito ay nakadisenyo raw para sa “kapakinabangan ng mga mahihirap, ang pinakamarami at ‘game changer’ ng ekonomya’t lipunan”.
Napakasarap namang pakinggan. Game changer. Populista talaga ang rehimen. Nais ipamukhang ang higit na nakakaraming masa ang nagdala ng pagbabago alinsunod sa sentral na islogan ng rehimen – ang “Change is coming”. Subalit kung susunsunin ang detalye ng TRAIN, makikita nating kung may pagbabago man sa sistema ng pagbubuwis sa bansa, ito ay mas masahol kaysa dati.
Ang TRAIN ay naglalaman ng sumusunod na mga pakete:
Package 1: Binubuo ng sumusunod na nilalaman ng House Bill 5636: ang pagtataas ng eksempsyon sa personal income tax; ang pagbaba sa estate at donor tax; ang VAT base expansion; ang pagtataas ng excise tax sa automobile, petroleum, at sugar sweetened beverage; at pagpapasa ng tax administration measures.
Isa-isahin natin ang “unang pakete”.
Lower personal income tax rate. Ito ang buwis sa personal na kita. Pumapatungkol ito sa kita ng mga indibidwal. Sa HB5636, hindi na kakaltasan ng with-holding tax, na anyo ng income tax, ang mga sumesweldo ng mas mababa sa P250,000 sa isang taon. Hindi saklaw nito ang mga minimum wage earner na kasalukuyan nang eksempted sa withholding tax. Aalisin din ang mga eksempsyon sa income tax batay sa mga dependent. Mula sa 3% na percentage tax, bubuwisan ng 8% ang kita ng mga self-employed at mga propesyunal kung ito ay mas mataas sa P250,000 kada taon.
Estate and donor tax. Ang estate tax ay buwis para maipasa sa mga benepisyaryo o tagapagmana ang pag-aari ng isang yumao. Sa kasalukuyan, para maipamana ang mga pag-aaring nagkakahalagang P10 Milyon pataas ng isang pumanaw na kapitalista, kailangan munang magbayad ang kanyang pamilya ng 20% o minimum na P2 Milyon sa gobyerno. Sa panukalang TRAIN, gagawing “flat rate” sa 6% ang estate tax. Ang donor tax ay buwis sa ibinibigay na donasyon. Sa ngayon ito ay nasa 2%, 15% at 30%. Ang mga donasyon sa mga hindi kamag-anak o ligal na benepisyaryo ay nasa pinakamataas na 30%. Sa HB5636, gagawin ding “flat rate” na 6% ang donor tax.
VAT base expansion: Palalawakin ang saklaw ng value added tax o VAT. Kasama na dito ang amortisasyon sa low-cost at socialized housing, at mga umuupa ng P10,000 kada buwan.
Automobile excise: Dalawang beses na itataas ang buwis sa mga bumibili ng mga kotse’t sasakyan. Para sa mga kotseng nasa halagang P600,000 pababa, na tinuturing nilang “lower bracket”, ang excise tax ay itataas ng 3% sa 2018 at 4% sa 2019. Saklaw nito ang mga kotseng karaniwang kinukuha ng mga senyor na empleyado at mga propesyunal sa mga “auto loan” sa mga bangko (pati mga sahurang manggagawa na namuhunan para ipang-Grab at Uber.
Sa “higher bracket”, na mga kotse’t sasakyang halagang P3.1 milyon pataas. Ang buwis sa 2018 ay nasa P1.468 milyon plus 90% sa halagang mas mataas sa P3.1 milyon. Sa 2019, itataas ito ng P1.824 milyon plus 120% sa halagang mas mataas pa sa P3.1 milyon. Itataas din nito ang pamasahe dahil tatamaan nito ang mga operator.
Petroleum excise: Itataas ang sumusunod na excise tax sa bawat litro ng diesel fuel oil, liquefied petroleum gas, at bunker fuel oil: P3 sa 2018, P5 sa 2019 at P6 sa 2020. Gayundin ang kada litro ng lubricating oil and greases, waxes, denatured alcohol for motive power, leaded premium gasoline, unleaded premium gasoline, at aviation turbo jet fuel, ng P7 sa 2018, P9 sa 2019, at P10 sa 2020.
Sugar sweetened beverage excise: Ang mga inuming pinatamis ng asukal ay papatawan ng P10 kada litrong excise tax sa 2018. Tatamaan nito ang karaniwang iniinom ng masang Pilipino. Ngunit binibigyang katwiran dahil sa diumano’y kabutihan nito sa kalusugan.
Tax administration measures at complementary measures: Mga pagbabago sa administrasyon ng pagbubuwis. Bibigyan ng kapangyarihan ang Commissioner ng BIR para kumuha ng impormasyon, kasama ang pagkuha ng testimonya ng mga tao. Kasama rin ang pagkuha ng impormasyon sa mga deposito sa bangko, sa kabila ng pagkakaroon ng “bank secrecy law” (Sek 5 at Sek 6, HB5636).
Package 2 to 5: Iba pang reporma sa pagbubuwis na hindi pa nadedetalye. Nasasabi pa lang ng iba’t ibang personalidad - mula kay Duterte hanggang sa Department of Finance. Ilan dito ang sumusunod: Pagbababa sa corporate income tax, na binanggit sa unang SONA; property tax, capital gains tax, carbon tax (sa fossil fuel gaya ng coal o karbon, langis, natural gas, atbp.), lottery at casino tax, mining tax. Ang mga ito ay nakadisenyong ilarga sa susunod na ikalawa o ikatlong taon.
Para kanino ang TRAIN?
Sino ang makikinabang rito?
Makikita kung para kanino ito – partikular ang “package 1”, na inaasahang may netong dagdag na koleksyon na P133.8 bilyon o 0.8% ng GDP. Kung sino ang papasan ng ginawang mga pagbabago sa buwis.
Isa-isahin muli natin ang laman ng HB5636. Ang makikinabang lamang sa pagtataas ng personal income tax exemption ay ang propesyunal, middle class, executive, chief executive officer, at mga top taxpayers. Hindi kasama dito ang mga minimum wage earners na ngayon pa lamang ay eksempted na sa minimum wage (tignan ang table 1).
Taliwas ito sa sinasabi ng mga sumusuporta ng TRAIN na sinasabing lahat ng mga empleyado ang makikinabang sa pagtaas ng personal income tax exemption.
Ang totoong nililigawan nila ay ang panggitnang uri, na mas may-kakayahang maimpluwensyahan ang opinyong publiko dahil sa mas aktibo sila sa usaping pulitikal. Sila ang “game changer” na sinusuyo ng Palasyo. Dahil sa nakaraang mga krisis pampulitika na dumulo sa “regime change” hindi “system change”, ang naging mapagpasya ay ang panggitnang-uri.
Ang donor at estate tax na gagawing flat rate na 6% ay klaradong para lamang sa mayayaman. Sino nga ba ang may ipapamana sa kanilang mga salinlahi? Ang mga kapitalista lamang! Pinagbigyan na nga sila. Mawawalan pa ng P3.1 bilyon ang kaban ng gobyerno!
Ang paglawak ng saklaw ng VAT ay tumatama sa lahat ng uri at saray ng lipunan. Sapul pati ang tinaguriang “poorest of the poor”, na kumikita ng P1,000 kada buwan ay mababawasan ng P954 hanggang P374, depende umano sa pagbabago sa ugali ng mga mamimili.
Kung ang buwanang kita ng nasa “pinakamahirap” ay nasa P1,000 kada araw ay ipagpalagay na tatlo sa kanilang pamilya ang nagtatrabaho, ang kanilang monthly household income ay nasa P3,000. Kung gayon, ang P954 hanggang P374 na kabawasan sa kita bunga ng VAT expansion ay nasa 31.8% hanggang 12.74% nito. Malayong malayo sa CEO ng korporasyon na mababawasan ng P35,580 hanggang P30,535 o 7.63% hanggang 8.9% ng buwanang kitang P400,000 (tingnan ang table 2, sa ibaba). Ang mas mahihirap ang pumapasan ng bigat sa bagong pagbubuwis!
Sa taya ng DOF (Department of Finance), madadagdagan ng P81 bilyon ang kaban ng gobyerno dahil sa VAT base expansion.
Ang problema sa VAT, kinokolekta ito ng mga kapitalista sa kanilang mamimili. Ngunit hindi naman awtomatikong ibinabayad sa BIR, kundi naiipon at nagagamit pa para sa operasyon ng kanilang negosyo. Kaya naman hindi nakapagtatakang maliit ang “compliance ratio” nito. Kumpara sa withholding tax na agad na kinakaltas sa sahod ng mga manggagawa.
Across-the-board din ang epekto ng petroleum excise tax. Dahil ang produktong petrolyo ang ginagamit sa transportasyon ng tao at mga kalakal. Ginagamit rin ito sa paglikha ng kuryente. Magbubunga ito ng pangkalahatang pagtaas sa presyo ng lahat ng bilihin!
Maganda muling tignan ang mababawas ng petroleum excise tax sa kita ng isang pamilya. Ang poorest of the poor, na may tatlong nagtatrabaho at may monthly income na P3,000, ay mababawasan ng P59 kada buwan o 1.97%. Ang CEO ay magbabayad ng dagdag na P2,057 na buwis sa petrolyo o 0.051% ng kanilang buwanang kitang P400,000. Mukhang malaki ang absolutong halagang P2,057 kumpara sa P59 ngunit sa proporsyon, hindi hamak na mas malaki ang 1.97% kumpara sa 0.051% (tingnan ang table 3, sa ibaba)!
Sugar sweetened beverage excise o SSB: Ang mga inuming pinatamis ng asukal ay papatawan ng P10 kada litrong excise tax sa 2018. Tatamaan nito ang karaniwang iniinom ng masang Pilipino. Ngunit binibigyang katwiran dahil sa diumano’y kabutihan nito sa kalusugan.
Dahil ito rin ay excise tax, ang SSB ay ipapasa sa mga konsyumer. Pataasin ang presyo ng mga inuming karaniwang kinokonsumo ng ordinaryong tao at apektado maging ang mga pinakamahihirap. Pero kung papansinin ang datos ng DOF, tinataya nilang lumiliit ang mapapataw na SSB sa mga CEO at mga top taxpayer?! Dahil ang totoo, ang mga iniinom ng mga mayayaman ay hindi ang karaniwang mga inuming matataas sa asukal at pinagkukunan ng calorie o enerhiya ng mayorya ng populasyon (tingnan ang table 4, sa ibaba)!
Ang “Package 2 to 5” naman ay wala pang klaro at nakadepende pa sa magiging reaksyon ng publiko sa Package 1. Subalit isa nang siguradong laman nito ay ang pagbaba sa corporate income tax o buwis sa kita ng mga korporasyon, na nabanggit na ni Duterte sa SONA 2016.
Kung sa Package 1 ay hindi nakasakay sa TRAIN ang mga mahihirap dahil hindi sila kasama sa personal income tax exemption at nasagasaan pa sila ng iba’t ibang excise tax (petroleum, sugar sweetened beverage), sa Package 2 nama’y klarado na ang nakasakay sa tren na ito ay ang mayayamang kapitalista dahil liliit ang buwis sa corporate income!
Ang mga mayayaman, hindi ang mahihirap, ang makikinabang sa panukalang TRAIN ng rehimeng Duterte!
Ang masahol, ang pondong malilikom mula sa komprehensibong pagrereporma ng pagbubuwis ay gagamitin sa imprastraktura – isang malaking negosyo para sa mga kompanya ng mga Sy, Ayala, Gokongwei, Tan, Villar, atbp., na magiging kasosyo sa konstruksyon at sa pagpipinansya sa naturang mga proyekto bukod pa sa itataas nito ang land value (dahil sa differential ground rent) ng mga panginoong maylupa sa mga sentrong urban, na walang iba kundi ang mga pamilyang ito na namumuhunan din sa property and real estate development! #
SIDE ARTICLE:
Manggagawa at Tax Reform
May karapatan at katuwiran ang manggagawang Pilipino para isulong ang tax reform.
Una, ang tax burden, sa kasalukuyan, ay mas pinapasan ng mga manggagawa.
Ang withholding tax ay kinakaltas agad sa sweldo. Sa mga korporasyon at propesyunal, may mga ligal na mga paraan para umiwas sa buwis. Ang tawag ay “tax avoidance”. Hindi “tax evasion”, na krimeng pinaparusahan mula sa BIR (Bureau of Internal Revenue).
Ang VAT naman, na awtomatikong naipapataw sa mga mamimili ay hindi agarang kinokolekta. Pinagugulong muna para lalong pagtubuan. Bago iremita sa gobyerno.
Ikalawa, ang kasalukuyang gobyerno ay hindi nagsisilbi sa masang manggagawa. Bakit ang manggagawa ang tutustos sa makinaryang nagsisilbi para pag-ibayuhin ang pagsasamantala at pang-aapi ng iilan sa nakararami?
Ikatlo, ang buwis na kinukuha sa mga kapitalista, ay nagmula rin sa mga manggagawa. Ang tubo ay mula sa labis na halagang nilikha ng manggagawa ngunit hindi binayaran. Dito rin nagmumula ang kita ng may-ari ng lupa (renta), ng bangko (interes), at buwis ng gobyerno (na nagmumula sa corporate income, real estate tax at buwis sa interest rate).
Ikaapat, kinakailangang repormahin ang sistema ng pagbubuwis sapagkat ito ay anomalyado. Ang pinakamataas na taxpayer ng BIR ay hindi sina Henry Sy, John Gokongwei, George Ty, Lucio Tan, Jaime Zobel de Ayala, atbp. (ang pinakamayayamang tao sa bansa), kundi ang mga sikat na personalidad gaya nina Kris Aquino, Manny Pacquiao at Willy Revillame.
Anong tax reform ang nais ng uring manggagawa? Simple lang. Tax the rich, not the poor! #
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento