Compressed Workweek: Pagpiga ng Mas Malaking Tubo sa mga Manggagawa


KINOKONDENA natin ang panukalang batas na inaprubahan ng kongreso na binibigyan ng “opsyon” ang mga kapitalista na pahabain ang paggawa sa isang araw.

Sa ikatlo at pinal na deliberasyon, inaprubahan ng Batasan – sa botong 226 pabor at walang pagtutol – ang House Bill No. 6152, or “An Act Increasing the Normal Work Hours Per Day Under a Compressed Work Week Scheme”.

Sa naturang batas, sakaling ayunan ng senado at pumasa sa bicameral committee, ang sinumang employer ay maaring patrabahuin ang kanilang manggagawa ng higit sa walong oras sa isang araw, nang hindi lumalagpas sa itinatakdang 48 oras-paggawa sa isang linggo. Bibigyan pa naman daw ng overtime pay ang sinumang magtatrabaho nang lagpas sa 48-hour workweek.

Halimbawa, ang isang manggagawa, na ngayo’y nagtatrabaho ng 8 oras kada araw sa anim (6) na araw sa isang linggo, ay pagtrabahuin ng 12 oras kada araw sa loob ng apat (4) na araw sa isang linggo.

Ayon kay Baguio City representative Mark Go, layon daw nilang bigyan ng “work-life balance” ang mga manggagawa habang pinagbibigyan ng pleksibilidad ang mga employer sa pagtatakda ng iskedyul ng mga trabaho.

Pagkalaspag ng Katawan ng Manggagawa

Huwag na nating patulan ang mga boladas ni Cong. Go sa sinasabi niyang mas makabubuti ito sa manggagawa. Subukan niyang magtrabaho ng higit walong (8) oras sa isang araw nang walang naidadagdag sa sweldo at tiyak tayong siya mismo ang susuko sa kawalan ng balanse sa kanyang buhay.

Gaya ng anumang makina na nalalaspag habang pinatatagal ang paggamit, ang katawan ng manggagawa – na tanging sinisidlan ng kanyang kalakal na lakas-paggawa – ay nagagasgas din sa sobrang pagtatrabaho.

Kung nakikita man nilang kakayanin ng manggagawa na magtrabaho ng lagpas sa walong oras kada araw, ang ganitong pagsasagad ng trabaho ay bunga pa ng kababaan ng sweldo. Kaya’t mabilis na umaayon ang manggagawa kapag siya ay inalok ng obertaym ng kanyang bisor o amo.

Sa kabuuang 40.837 milyong may trabaho noong 2016, 9.309 milyon ang nagtrabaho ng 49 oras o higit pa sa isang linggo (Philippine Statistics Authority).

Samantala, sa taon din iyon, 13.250 milyon ang nagtrabaho ng mas mababa sa 40 oras sa isang linggo. Karamihan sa kanila ay nasa informal economy na may trabaho ngunit hindi sahuran.

Umiiral, kung gayon, ang isang kabalintunaan.

Ang mga may-trabaho ay nagkakandakuba sa kakaobertaym habang ang walang trabaho ay nababanban ng kawalan ng produktibidad sa isang bansot na kapitalistang ekonomya.

Nagaganap dahil sa kababaan ng sweldo at magiging kalakaran pa – kunwari’y opsyonal lamang sa panukalang compressed workweek – na magtatrabaho ang manggagawa ng higit sa walong oras sa isang araw na walang overtime premium at naka-regular pay lamang!

Pleksibilisasyon: Pagdistrungka sa mga Limitasyon sa Management Prerogative 

Ayon sa batas, at dahil sa makasaysayang pakikibaka ng kilusang paggawa, may susunding mga istandard ang mga kapitalista sa presyo at kondisyon ng pagbili at paggamit ng lakas-paggawa ng manggagawa.

Bagamat sila ang may-ari ng pabrika, susunod sila sa itinatakda ng batas ukol sa sahod at benepisyo at oras ng pagtatrabaho. Isang unibersal na labor standard ang 8-hour working day na naipagwagi ng mga manggagawa sa buong mundo.

Pero sa panahon ng globalisasyon, binabawi ang mga istandard na ito sa patakaran ng flexibilization of labor. Sa Pilipinas, isang anyo nito ang kontraktwalisasyon na binaklas ang pagreregular ng mga manggagawa kapag sila ay gumagawa ng trabahong karaniwang kailangan ng isang negosyo, sa pamamagitan ng pagkuha ng mga contractor at subcontractor na may kapangyarihang i-terminate ang employment contract anumang oras nang hindi sumusunod sa proseso ng batas sa pagtatanggal ng empleyado (substantive and procedural due process).

Sa House Bill No. 6152, hindi lamang ang istandard na pagreregular kundi ang mismong oras ng pagtatrabaho ang kaya nang bagu-baguhin ng mga kapitalista. Ito ay panunumbalik sa absolutong kapangyarihan ng mga employer sa panahong wala pang batas-paggawa, wala pang unyon, at walang proteksyon ang mga manggagawa sa pang-aabuso ng mga kapitalista. Ligal na at wala ng paligoy-ligoy pa na ang kapitalismo ay walang iba kundi diktadura ng panginoong may-kapital!


Pagpiga ng Ibayong Tubo
sa Katawan ng mga Manggagawa

Isalarawan natin ang magiging epekto ng compressed workweek.

May isang pagawaan na may 300 manggagawa o 100 kada shift na may 8 oras. Buong araw na umaandar ang pabrika at may isang rest day sa bawat linggo. Sa kabuuan, may14,400 man-hours ang nagagamit sa isang linggo (8 oras x 300 katao x 6 days).

Sa panukala, ang kapitalista ay magpapatrabaho ng 12 oras sa apat (4) na araw para sa dalawang shift na may 100 katao. Lagpas sa walong oras pero overtime premium dahil pinagtrabaho sila ng 48 oras sa isang linggo. Sinunod naman daw ang one restday per week dahil tatlong araw ng mamamahinga ang 200 na manggagawa na mula sa dating 1st and 2nd shift.

Ngayon, may natitira pang 3 araw sa isang workweek. Ano ang kanyang opsyon sa dating ikatlong shift na may 100 katao?

Paano nila makakamit ang istandard na 48 oras sa isang linggo?  Pagtrabahuin ng dalawang araw? 48 hours straight sa pabrika ng walang pahinga! Malamang hindi.

Ang gagawin niya’y 16 hours na shift sa tatlong araw ng 100 manggagawa (16 oras x 3 araw = 48 hours/week).

Subalit sa tatlong araw ding yun, may labis na 8 oras kada araw dahil 16 oras lamang nagtrabaho ang dating ikatlong shift. Ano ang kanyang gagawin? Uupa ng bagong mga kontraktwal na magtatrabaho ng 8 oras sa tatlong araw!

Ilang man-hours ang nagamit ng ating pabrika sa loob ng isang linggo?

Days 1 to 4:
12 oras x 4 araw x 100 katao = 4,800 man-hours para sa dating 1st shift
12 oras x 4 araw x 100 katao = 4,800 man-hours para sa dating 2nd shift

Days 5 to 7:
16 oras x 3 araw x 100 katao = 4,800 man-hours para sa dating 3rd shift
8 oras x 3 araw x 100 katao = 2,400 man-hours sa bagong kontraktwal

Sa kabuuan, ang pabrika ay nakakonsumo ng 16,800 man-hours! Tumaas at dahil ang paggawa ang siyang lumilikha ng labis na halagang pinagmumulan ng industrial profit, interes, renta, atbp, lumago din ang tubong paghahatian ng iba’t bang saray ng mga kapitalista.

Nagawang pitong araw (7) ang operasyon ng pabrika nang hindi nangailangang magbayad ng overtime premium ang ating butihing kapitalista. Sumunod siya sa 48-hour workweek, na tanging ikinunsidera ng panukalang compressed workweek, na sadyang isinantabi ang istandard na 8-hour working day!

Ang tanong, bakit hindi sinuportahan ni Donald Dee at ilang grupo ng mga kapitalista ang HB 6152? Dahil alam nila na ang oras ng trabaho matapos ang umiiral na regular time na walong (8) oras ay hindi na kasing produktibo kapag napagod na ang katawan ng mga manggagawa.

Batid kasi nilang ang mas saligang paraan ng pagpapalago ng tubo ay hindi ang simpleng habaan ang paggawa sa isang araw (absolute surplus value) kundi ang pagpapataas ng produktibidad nito (relative surplus value) sa pamamagitan ng mekanisasyon, episyenteng pagkakaorganisa ng produksyon, atbp.

Solusyon sa Trapik? 

Isang palasak na argumento ng mga promotor ng compressed workweek ay ang pagpapagaan diumano sa problema sa trapiko. Kalokohan! Dahil hindi naman milyon-milyong mga trabahador ang nasa kalsada kundi ang mga sasakyan ng mga milyonaryo sa lipunan.

Mabawasan man ang siksikan sa mga pampublikong bus at dyip kapag dalawang shift lamang ang lalabas ng bahay para magtrabaho sa isang araw, mas namang dagdagan nila ang bilang ng kanilang byahe para tiyaking makuha ang kanilang boundary, mabawi ang mga gastusin sa pagpasada, at siguruhing may maiuuwi pa sila sa kanilang mga pamilya. #

Mga Komento