EDITORYAL: Manggagawa, pangunahan ang laban sa pasista at kontra-mamamayang rehimeng Duterte


PUMIPIHIT na ang balanse ng pwersa. Nanganganib ang dating lyamadong posisyon ng popular na administrasyong Duterte.

Iniinda na ng taumbayan ang tinaguriang Gyera kontra Droga at ang kawalan nito ng konsiderasyon sa due process. Libo-libo na ang pinatay, nasa 13,000 na ayon sa ilang pagtantya; halos lahat sa kanila ay mahihirap at walang koneksyon sa gobyerno. Ang pagpaslang sa mga kabataan, na naging tampok sa pagpatay sa 13 años na si Kian delos Santos ay nagtulak sa nakararami na kwestyunin ang pahayag na “kill, kill, kill” ng Malakanyang, pati ang pabuya nitong P6.85 milyon sa kapulisan noong 2016 para sa pagtugis sa mga pinaghihinalaang tulak at gumagamit ng iligal na droga.

Nataon pa ang kahindik-hindik na sunod-sunod na pagpatay sa mga kabataan sa nabulgar na pagkakasangkot ng anak ng pangulo – si Paolo “Polong” Duterte sa mga anomalya sa Bureau of Customs, na kamakailan lamang ay nasangkot hindi lamang sa korapsyon kundi sa P6.4 bilyong halaga ng ini-smuggle na shabu.

Kasuklam-suklam din ang lakas ng loob at kapal ng mukha ng mga kongresistang tuta ni Duterte, na unang nagkaisang bigyan ng P1,000 ang Commission on Human Rights bago ito umatras; ngunit liban dito ay ang pagraragasa nito para ipasa ang mga kontra-manggagawa at kontra-mahirap na panukala gaya ng excise tax sa produktong petrolyo at sa sugar sweetened beverages. Ngayon nama’y pinaglalaruan nito ang paghahain ng impeachment laban kay Chief Justice Sereno ng Korte Suprema, na disin sana’y isang co-equal branch ng Batasan.

Ang Martial Law sa Mindanao ay espadang iwina-wasiwas sa buong kapuluan, isang lantarang pana-nakot laban sa lehitimong pagtutol at sa karapatang pantao, habang pinupulbos ng bomba ang buong Marawi City hindi pa para durugin ang iilang mga terorista kundi para ilatag ang pundasyon para sa makasaysayang land grabbing ng mga property development firms ng mga Sy, Gokongwei, Ayala, atbp.

Hindi naman nababahala ang oligarkiya sa paniniga ni Duterte, kahit sila ay palagiang target ng berbal na atake ng pangulo. Hindi ginagalaw ang mga haliging patakaran ng neoliberalismo – ang liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon at pleksibilisasyon sa paggawa – na mula noong dekada ‘90 ay lumikha ng bilyon-bilyong tubo para sa kanila at nagkonsentra sa yaman ng bansa sa kamay ng pinaka-mayayamang 40 pamilya sa lipunang Pilipino.

Alam ng oligarkiya na tutubo at titiba sila sa “build, build, build” ng Duterte-nomics, hindi lamang sa kanilang mga construction firm kundi maging sa kanilang mga pribadong bangko na pagpapahiram ng pondo para sa naturang mga proyektong pang-imprastraktura. Bukod dito, dahil sila ay mga urban landlord, alam nila na ang halaga ng kanilang mga lupain ay tataas sa pag-unlad ng mga pasilidad sa transportasyon at komunikasyon.

Tampulan man ng paninisi at panlalait ang nakaraang administrasyon ni Noynoy Aquino, pareho lamang dito ang mga patakarang pang-ekonomya ng kasalukuyang rehimen. Dahil dito, mataas pa rin ang kumpyansa ng pandaigdigan at transnasyunal na kapital sa tinaguriang “economic fundamentals” na sinusunod ng gobyernong Duterte.

Sa kabila ng maaanghang na retorika ni Duterte laban sa Amerika, hindi nakakalas ang ating relasyong diplomatiko sa naturang bansa. Umiiral pa rin ang mga kasunduang militar na gumagapos sa Estados Unidos – ang Mutual Defense Treaty of 1951, ang Visiting Forces Agreement (VFA), ang 2002 Mutual Logistics Support Agreement (MLSA), at ang 2014 Enhanced Defense Cooperation Agreement. Sa pagtugis na maliit na Maute group, sumama mismo ang pwersang Amerikano sa mga sundalo ng Pilipinas, alinsunod sa kanilang pandaigdigang “War of Terror”.

Dahil sa mga kasunduang ito, tayo ay itinutulak sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Tsina, na ngayo’y nagpapaligsahan para sa pandaigdigang dominasyon at pang-ekonomikong paghahari sa mundo.

Sa gitna ng mga kaguluhang pambansa at pandaigdigan, nagsalita na ang taumbayan noong halalang 2016. Ang hanap nila ay pagbabago. Napakasaklap na naloko ang taumbayan para paniwalaan ang isang sangganong warlord para maging kanilang kampeon. Subalit nasapol nila ang isang butil ng katotohanan sa malawakang pagtakwil sa pwersang Dilaw, na namayagpag mula noong Edsa 1986 at umani ng tatlong dekadang pagkaunsyami sa tinaguriang “nanumbalik na demokrasya”.

Kung gayon, kinakailangang buuin ang isang alternatiba, na hindi lamang naiiba sa mga personalidad ng umiiral na elitistang demokrasya kundi may bagong programa’t plataporma na naglalaman ng mga makabuluhan at malawakang mga reporma para baguhin ang estado at lipunang Pilipino.

Ang ganitong alternatiba ay maihahapag lamang, ng may integridad at kredibilidad, ng kilusang paggawa. Kumpara sa ibang mga uri sa lipunan, sila ang inaapi ng kawalan ng demokratikong karapatan at ng habambuhay na kahirapan. Sila ang mayorya sa mga plantasyon, mga pabrika, mga opisina, atbp. Subalit ang “majority rules” na ipinagmamalaki ng demokrasya ay hindi nila lasap sa kanilang pang araw-araw na buhay. Ang umiiral ay ang paghahari ng minorya, sa bihis ng “management prerogative”, ang pangingibabaw ng karapatan sa pag-aari (property rights) ng iilan sa karapatang mabuhay ng disente’t marangal sa mayoryang trabahador ng lipunan.

Ang uring manggagawa – ang mga walang pag-aari kundi ang kanilang lakas-paggawa – ay hindi lamang ang pinakamarami sa lipunang Pilipino. Sila rin ang pinakaorganisado. Sa mahigit 100 milyong Pilipino, halos 23 milyon ang sahurang manggagawa. Mas malaki sa kanila ang informal workers (mala-manggagawa) ng atrasadong kapitalistang ekonomya.

Sa pangkalahatan, ang kanilang sama-samang paggawa ay organisado sa isang assembly line at distribution network para sa produksyon at distribusyon ng mga kalakal at serbisyo ng isang pambansang ekonomyang karugtong ng pandaigdigang kalakalan.  Organisado sa buong lipunan bilang makinaryang lumilikha at nagbabahagi ng tubo ngunit ang kolektibong kapasyahan ay nananatiling hiwa-hiwalay sa mga indibidwal na pangarap sa buhay.

Kahit watak-watak, ang manggagawa pa rin ang pinakaorganisado sa usapin ng sariling pagkakaorganisa. Ang kilusang unyon ay nasa halos 2 milyon. Dinurog ng kaliwa’t kanang tanggalan sa trabaho at pagsasara ng mga establisyemento dulot ng pagrerestruktura ng ekonomya dahil sa globalisasyon. Ngunit nananatiling makapangyarihang pwersa, kung lalagpasan ng mga unyonista ang usaping pampabrika, kung matuto silang iugnay ang mga hiwa-hiwalay na karanasan sa pangkalahatang pang-aapi sa masang manggagawa ng iilang kapitalista.

Panahon na upang bumangon ang manggagawa sa kanyang matagal na pagkakahimbing. Ang kanilang pinagsamang lakas na ngayo’y nagpapainog lamang sa industriya, agrikultura at serbisyo ay magiging pwersa ng pagpapalaya para baguhin ang lipunan.  Nagmumukha lamang matayog at mataas ang mga makapangyarihan kung tayo ay naninikluhod. Bangon sa pagkakabusabos!

Sinumang naghahangad ng tunay na pagbabago – na bumibilang sa milyon-milyon noong eleksyon at laluna ang mga nagmartsa sa anibersaryo ng Batas Militar laban sa pang-aapi ng iilang makapangyarihan at sa kanilang pagyurak sa karapatang pantao ng mamamayang Pilipino – ay dapat na tanggapin bilang responsibilidad ang tungkuling gisingin ang nahihimlay na potensyal ng uring manggagawa. Tumungo sa manggagawa! Ilantad bilang bulaang propeta ang presidenteng mamamatay-tao, na nagsisilbi sa uring kapitalista! Samahan sila sa mga kagyat na pakikibaka laban sa kontraktwalisasyon, mababang sahod, mataas na presyo, bagong buwis, kawalan ng panlipunang serbisyo, atbp. Ituro sa kanila ang ugnayan ng mga isyung ito sa usaping pulitikal, kung sinong uri ang kumokontrol sa makinarya ng estado.

Noong 1975, ang welga sa La Tondeña ang bumasag sa tahimik na lagim ng Batas Militar. Sinundan ito hindi lamang ng kilusang welga sa iba’t ibang establisyemento kundi ng pagbangon ng mga protesta sa tinaguriang parlyamento ng lansangan. Ang kanilang islogan na “Sobra na, tama na, welga na!” ang naging binhi ng panawagang “sobra na, tama na, palitan na”, na dumagundong sa buong bansa sa rebolusyonaryong agos mula 1983 hanggang 1986.

Ngayon, sa harap ng isang aspiranteng diktador, buuin ang resistance movement ng uring manggagawa, ang binhi ng isang pag-aalsang bayang pinamumunuan ng manggagawa, na siyang nararapat na kongklusyon sa mga nabigong pag-aalsang EDSA na pinakinabangan lamang ng mga elitista.  #

Mga Komento