Hindi Compressed Workweek: Iksian ang Oras-Paggawa sa Isang Araw


Ang pagpapaiksi sa oras-paggawa sa isang araw (shortening of the working-day) ay ang ating counter-proposal sa panukala nilang “compressed workweek”.

Sa partikular, ang isinusulong natin ay gawing anim na oras (6 hours) ang regular time sa isang araw, nang walang kabawasan sa sinusweldo ng manggagawa.

Ang sumusunod ang batayan ng ating kahilingan:

Una, sobra-sobra na ang inabot ng teknolohiya. Sa ngayon, kapag napapalitan ng makina ang dating ginagawa ng manggagawa, sila ay itinatapon sa lansangan sa katuwirang redundancy. Wala na raw saysay ang kanilang pagtatrabaho.

Sumasandig tayo na ang pag-unlad sa mga kaparaanan sa produksyon, laluna sa mga instrumento o kasangkapan sa produksyon, ay dapat na magluwal ng kaginhawaan sa tao. Ang sadya at planadong paggamit sa kasangkapan – na isa sa kaibhan ng paggawa ng tao sa mga hayop – ang nagdala sa atin sa progreso.

Subalit sa ilalim ng kapitalismo, minamana ng makina ang katauhan ng kanyang may-ari at siya ay nagiging instrumento ng pagsasamantala.

Ang sobra-sobrang kapasidad ng makina, sa halip na magdala ng progreso sa sangkatauhan, ay nagdudulot ng krisis ng sobrang produksyon. Magagawang ampatin ito kung ang produksyon ay umayon sa pangangailangan – hindi lamang ng tao kundi sa pagpapanatili ng ekolohikal na balanse ng tao at kalikasan. Sa ngayon, sinasagad ang mga kaparaanan sa produksyon, maging ang katawan ng tao, para pigain ang tubo sa paggawa ng mga manggagawa.

Bawasan ang oras ng pagtatrabaho kung nalikha na ang sapat sa pangangailangan ng tao, nang may konsiderasyon sa paglago ng produksyon para sa mga pangmatagalang layunin ng lipunan.

Ikalawa, bawiin ang oras na kontrolado ng tao ang kanyang buhay. Dahil kaya ng tugunan ang pangangailangan ng tao sa mas maiksing oras ng trabaho sa isang araw, dapatt bawasan ito para madagdagan ang oras sa isang araw para ang tao ay mabuhay bilang tao.

Ang nauusong tawag dito ngayon, laluna sa mga abanteng bansa ay “work-life balance”.

Sapagkat sa mga oras na binili ng kapitalista sa mga manggagawa, sila ay hindi tao kundi mga kalakal. Ang bahaging iyon ng kanilang buhay ay hindi nila kontrolado. Sila ay binili para utusang dumugtong sa makina at sa operasyon ng negosyo.

Ang tao ay magiging tao kung maluwag niyang nagagamit ang kanyang imahinasyon at pagiging mapanlikha, na natural niyang kalamangan sa mga hayop. Magagawa ito kung iiksian ang panahon sa kanyang pagtatrabaho (kapalit ng sweldo). Bigyan siya ng panahon para paunlarin ang kanyang sarili, mag-aral ng bagong kasanayan, makapiling ang kanyang mga mahal sa buhay, maglaan ng oras sa susunod na mga henerasyon, at mag-ambag sa panlipunang progreso sa tulong ng syensya’t teknolohiya, laluna sa talibang partido at mapagpalayang kilusan ng uring manggagawa. 

Ikatlo, ang substansyal na pagpapaiksi sa araw-paggawa (working-day) ay magbubukas sa pag-eempleyo ng mas maraming manggagawa.

Isalarawan natin. Sa isang ekonomya, may nagtatrabahong 300 milyon sa tatlong shift na may 8 oras kada araw. Kung gagawing 6 na oras ang working-day, may agad na pangangailangan para sa dagdag na 100 milyong manggagawa.

Ikaapat, ang pagbabawas ng oras-paggawa – kung tutuusin – ay kayang gawin sa balangkas ng kapitalistang sistema. Isa itong burges na islogan.

Naging unibersal na istandard sa buong mundo ang 8-hour working day at 48-hour workweek sa pagtatapos ng World War 2, matapos ang mahigit isang siglong makasaysayang pakikibaka ng manggagawa sa iba’t ibang bansa.

Sa ngayon, maraming bansa ay may istandard na mas mababa pa sa 48-hour workweek, kabilang ang France, Norway, Sweden, atbp. (tignan ang table 1). Subalit binabawi na ito sa panahon ng globalisasyon – kung saan, nakaranas na ng krisis, maging ang mga abanteng kapitalistang bansa. Ipinapakita lamang nito na ang paglulubos sa naturang reporma ay hindi na magaganap sa ilalim ng kapitalismo kundi sa sosyalismo at komunismo. #

Mga Komento