Istandard na sa lahat ng mga bansa ang “overtime premium”. Tinatamasa ng manggagawang Pilipino na magkaroon ng dagdag na 25% ang kanilang sweldo sa trabahong lagpas sa regular time na 8 oras. Hindi pwede ang pwersahang obertaym. Dapat muna silang pumayag dito.
Subalit hindi nila alam na ang kanilang benepisyo ay resulta ng mahigit 100 taon na pakikibaka para sa makatuwiran at makatarungang reporma sa ilalim ng kapitalismo.
Ang paglalagay ng limitasyon sa araw-paggawa ay hindi kusang loob na binigay ng mga kapitalista. Noong papasibol pa lamang ang sistemang kapital sa daigdig, sa kasagsagan ng Rebolusyong Industriyal na unang naganap sa Inglatera, ang mga manggagawa ay nagtatrabaho ng 12 hanggang 17 oras kada araw.
Ang unang naisabatas ay ang “Ten Hour Law”, na naging krusada noong 1810 ni Robert Owen, isang negosyanteng naghangad na repormahin ang kapitalismo dahil sa nakita niyang barbaridad sa bago at papasibol na sistemang panlipunan.
Si Owen ay isa sa mga pundador ng sosyalismong utopyan (hindi pa syentipiko dahil hindi pa nakabatay sa tunggalian ng uri at sa pagtatatag ng gobyerno ng manggagawa para ganap na baguhin ang lipunan, na unang tinuklas nina Karl Marx at Friedrich Engels).
Ang ten-hour working day ay ipinatupad niya sa kanyang modelong komunidad na “New Lanark”. Subalit nakita niyang hindi sasapat ang paglikha ng mga magagandang ehemplo kaya’t sinimulan niya ang pakikipagtuos sa estado para isabatas ang mga repormang panlipunan. Simula 1817, nang buuin niya ang kahilingang “8-hour working day” sa panawagang “Eight hours’ labor, Eight hours’ recreation, Eight hours’ rest”. Ngunit 1847 pa nang malagyan ng limitasyon ang paggawa sa isang araw, nang isabatas ang Ten Hour Law para sa kababaihan at kabataang manggagawa sa Inglatera. 1848 nang naipanalo ng manggagawang Pranses ang 12-hour working day.
Sa larangan ng pulitikal na pakikibaka, bagamat hindi pa ganap na rebolusyonaryo, lumakas ang kilusang paggawa sa pagsusulong ng naturang kahilingan, partikular sa Europa at Estados Unidos. Inilunsad nila ang mga malawakang pagtitipon, lobbying o pakikipagnegosasyon sa gobyerno, hanggang sa mga lokal at pangkalahatang welga.
Sa Estados Unidos, naglunsad ng pangkalahatang welga ang mga manggagawa noong Mayo 1, 1886 para hilingin ang 8-hour working day. Marahas ang naging reaksyon ng gobyerno. Minasaker ang rali. Mula noon, mas lumikha ng simpatya’t suporta ang panawagan para sa paglilimita ng paggawa sa isang araw, hindi lamang sa Amerika kundi sa buong daigdig. Naging tradisyon din ang pagmamartsa para sa naturang kahilingan tuwing Mayo Uno, na siyang dahilan kung paano ito naging Pandaigdigang Araw ng Paggawa.
Sa lumipas pang mga taon, sa buhay at kamatayang pakikibaka ng manggagawa, maraming gobyerno ang nagbigay ng konsesyon sa kilusang paggawa. Subalit taong 1945 lamang nang maging pandaigdigang istandard ang 8- hour working day. Ginawa ito para ampatin ang impluwensya ng Unyong Sobyet sa mga gobyerno, sa panahong naranasan ng kapitalismo ang “long boom” o mahabang panahon ng pang-ekonomikong pag-unlad mula 1950 hanggang sa dulong bahagi ng 1960.
Subalit sa pagpasok ng pandaigdigang krisis noong dekada 80, sinimulan nang bawiin ang mga tagumpay ng kilusang paggawa nang ipatupad ang neoliberal na patakaran ng “flexibilization of labor”, na katuwang ng liberalisasyon, deregulasyon, at pribatisasyon.
Itinutulak nila ang mga manggagawa ng daigdig sa panahong wala pa itong tinatamasang mga karapatan. Ang panukalang “compressed workweek” ng kongreso ay nasa ganito ring layunin. Sariwain ang aral ng pagsasabatas ng 8-hour working day. Nasa pagkakaisa ang lakas; nasa sama-samang pagkilos ang tagumpay! #
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento