Kaya ka bang ipagtanggol ng CHR?


NADAGDAGAN na ang badyet ng Commission on Human Rights (CHR). Tila nakahinga na ng maluwag ang ilang mga organisadong grupong tumutol sa inilaang P1,000 badyet nito sa darating na taon. Umaasa ang ilan na aandar muli ang ahensyang “magtatanggol sa kanilang karapatang pantao”. Lubha silang nakakamali.

Kahit gaano kalaki ang pondo ng CHR, hindi nito magagarantiyahang masasawata ang mga paglabag sa karapatang pantao, laluna sa pang-aabuso ng mga pulis sa inilulunsad nitong gyera kontra droga sa anyo ng Tokhang at EJK.

Una, wala itong kapangyarihan para magdesisyon sa mga kasong isinasampa sa kanila. Ang pangunahing tungkulin nito ay magmonitor, mag-imbestiga at magrekomenda (CariƱo v. Commission on Human Rights, 204 SCRA 483 (1991);

Ikalawa, aaksyon lamang ang CHR kung mayroon ng reklamo sa kanila. Ibig sabihin, matapos labagin ng mga may-kapangyarihan ang karapatang pantao ng sibilyan;

Ikatlo, ang tanging tulong ng CHR ay mangaral at magpaliwanag – kahit sa mga unipormadong opisyal – ukol sa karapatang pantao.

Sadyang hindi sapat ang awtoridad ng komisyon para proteksyunan ang di-armadong mga sibilyan sa pang-aabuso ng mga nasa gobyerno, laluna mula sa armadong pulis at militar. Laluna sa isang bulok na demokrasyang naghahari ang mga dinastiya at warlord, kung saan ang mismong mga pwersa ngang ito ang ginagamit para sumunod ang mahihirap sa kagustuhan ng mga abusadong mayayaman. 
Ang ibig sabihin ba nito’y hindi tayo nagagalak sa nangyaring pagbawi ng Batasan sa kanilang naunang desisyon? Hindi. Dapat nga itong ipagbunyi. Hindi dahil umaasa tayong maipagtatanggol ng CHR sa pang-aabuso ng mga opisyal ng burukasyang sibil at militar. Kundi dahil ipinapakita nito ang pag-aalangan ng mga may-kapangyarihan sa naiipong galit at poot ng mamamayan.

Ang kolektibong pagkasuklam ng masa ang ating oorganisahin tungo sa ganap na pagtatakwil sa pagsasamantala ng iilan sa nakakarami. #

Mga Komento