Sentenaryo ng Rebolusyong 1917 sa Rusya: Ang Uring Manggagawa at ang Unang Sosyalistang Republika sa Daigdig
TINAGURIAN itong “rebolusyong sobyet” dahil sa pagtatayo ng mga konseho (soviet) ng mga kinatawan ng manggagawa, mahirap na magsasaka, at mga sundalo, na siyang organo ng pampulitikang kapangyarihan na hindi lamang nagtatakda kundi nagpapatupad din ng batas. Ito ang diktadura ng proletaryado, ang pagkakaorganisa ng manggagawa bilang naghaharing uri.
Ang Sobyet ang ikalawang matagumpay na pagtatangkang itayo ang gobyerno ng manggagawa. Ang una ay ang Paris Commune, na itinatag ng manggagawang Pranses sa sentrong syudad ng kanilang bansa ngunit tumagal lamang ng 72 araw noong Marso hanggang Mayo 1871.
Ano ang kabuluhan ng Rebolusyong Oktubre 1917 para sa manggagawa ng daigdig?
Ang kabuluhan ng rebolusyon ng manggagawa sa Rusya ay maaring tanawin sa dalawang pakahulugan, ani Vladimir Lenin ng lider ng paksyong Bolshevik (majority) ng Russian Social Democratic Labor Party o RSDLP: sa malawak o sa makitid na pagtanaw.
Sa malawak na pakahulugan, itinuturo nito sa manggagawa ng daigdig ang kapasidad ng uring manggagawa. Kaya niyang ibagsak ang kapitalistang estado. Kaya niyang itatag ang sarili niyang gobyerno.
At nagawa ito sa Rusya, sa pinakaatrasadong bansa sa Europa. Sa emperyong pinaghaharian pa ng monarkiya, kung saan, ang hari ay tinatawag ng Tsar, na nagmula sa pamilya Romanov.
Dahil nasa ilalim ng balwarte ng reaksyon sa buong kontinente, sa buong emperyo ay hindi umiiral ang mga karapatan ng mamamayan. Bawal magrali. Bawal magtipon-tipon. Bawal mag-unyon. Bawal magwelga. Nagsimula na ang industriyalisasyon sa mga syudad, pangunahin sa Saint Petersburg at sa Moscow, ngunit mabagal ang kapitalistang pag-unlad sa agrikultura. Sa kanayunan, may karapatan pa ang mga panginoong maylupa na pwersahang pagtrabahuin ang mga magsasaka (serfdom).
Subalit nagawa pa rin ng mga manggagawa, hindi lamang para mag-organisa at lumaban kundi upang maging inspirasyon ng mamamayang Ruso.
Sa makitid na pakahulugan, pinapakita ng rebolusyong Ruso ang mga pamamaraan at metodo ng makauring pagkakaorganisa at paglaban, batay sa umuunlad at umiinog na tunggalian ng uri na minsa’y nasa panahon ng pag-ahon at minsa’y nasa yugto ng paghupa.
May panahong armado ang porma ng mga organisasyon at mga porma ng pakikibaka. Nag-aanyong gyera sibil sa mga barikada sa mga syudad at mga pag-aalsa ng mga magsasakang sinusunog ang mansyon ng mga panginoong maylupa. Pagboykot sa pinatawag na halalan. Ito ang larawan ng nabigong rebolusyong 1905, ng rebolusyong Pebrero 1917 na nagbagsak sa Tsar, at ng rebolusyong Oktubre 1917 na nagbagsak sa Probisyunal na Gobyerno ng burgesya at nagtatag sa paghahari ng mga Sobyet o konseho ng manggagawa at masang anakpawis.
May panahon namang minamaksimisa ang lahat ng ligal na larangan. May paglahok sa halalan (ng ipatawag ng Tsar ang halalan bilang reaksyon sa nabigong rebolusyong 1905). May pagtatayo ng mga malalawak at maluluwag na samahan ng manggagawa. Pagkilos sa mga reaksyonaryo o moderatong mga unyon.
Ang kombinasyon ng mga taktika para tiyaking napapamunuan ng manggagawa ang laban ng buong bayan, ang isa sa pinakamatingkad na katangian ng rebolusyong Ruso. Ang kakambal nito ay ang katatagan sa Marxistang mga prinsipyo ng rebolusyonaryong partido ng uring manggagawa, na mapanlikha sa pagtutuklas ng mga kongkretong aplikasyon ng mga teorya ng syentipikong sosyalismo batay sa mga kongkretong kondisyon.
Ang karanasan ng Bolshevik ay tanglaw sa manggagawang anakpawis at sa buong sangkatauhan. Ang masusing pag-aaral nito ay magsisilbing gabay sa praktikal na pagkilos sa ating paglaya mula sa kahirapan at pagsasamantala ng tao sa tao. Mabuhay ang Dakilang Rebolusyong Oktubre 1917! #
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento