EDITORYAL: Rebolusyonaryong Optimismo ngayong 2018


HARAPIN natin ang taong 2018 nang buo ang kumpyansa sa Marxistang doktrina ng tunggalian ng uri bilang motor ng kasaysayan.

Umaandar ang kasaysayan. Dahil sa mga nagbabanggaang mga interes ng mga uri sa lipunan. Hindi pa dahil sa mga eksepsyunal na mga indibidwal, progresibo man o reaksyonaryo.

Ang 2017 ay naging saksi sa naturang mga tunggalian. Unti-unting namemeligro ang dating bentaheng posisyon ni Duterte – na nahalal sa solidong boto ng 16 milyong Pilipinong naniwalang siya ang kumakatawan ng “pagbabago”.

Sa 2017, ang “War on Drugs” na dating may malawak na suporta ng publiko ay nalantad bilang gyera sa mga mahihirap, sa pagkakapaslang ng mga maralitang kabataan gaya ni Kian delos Santos; ang gyera laban sa mga terorista na siyang basehan ng Batas Militar sa buong Mindanao ay nagpasilip sa di-pagkakasundo sa pagitan ni Duterte at mga heneral ng AFP dahil sa kanilang mga magkakaiba’t magkakabanggang mga pahayag; umiigting din ang kompetisyon sa pagitan ng imperyalistang Estados Unidos at depormadong gobyerno ng Tsina; nasa opensiba ang rehimen sa kanyang pakikipagtunggali sa mga personalidad ng burges na oposisyon (CJ Sereno, Ombudsman Carpio-Morales, CHR Chair Gascon, Sen de Lima at VP Robredo), at higit sa lahat, ang tunggalian sa pagitan ng mga seksyon ng naghaharing uri.

Ang tinutukoy natin sa huli ay hindi pa nasa larangang pulitikal (sa pagitan ng PDP-Laban at partido Liberal). Ito ay sumasalamin lamang sa pang-ekonomikong tunggalian dahil sa pagtatangka ng mga naghaharing uri sa kanayunan (mga burukratang naging komersyante, mga panginoong maylupa na dumaan na sa kapitalistang ebolusyon, mga pampulitikang dinastiyang mas umaasa sa karahasan at warlordismo) na kontrolin ang estado poder. Ito ang pinakareaksyonaryong seksyon ng naghaharing uri, na siyang kinakatawan ng isang Rodrigo Roa Duterte, at may pinakamalakas na tendensya tungo sa pasismo at absolutistang paghahari.

Sa isyung ito ng Manggagawa, magbabaliktanaw tayo sa 2017. Babalikan ang mga mayor na pangyayari rito – ang Martial Law sa Mindanao, ang bakbakan sa Marawi, ang patuloy na atake sa mga personalidad ng burges na oposisyon (Sereno, Conchita-Morales, Noynoy, Gascon, atbp.), ang lumolobong utang ng gobyerno para sa “build, build, build”, ang pagrereporma sa pagbubuwis sa pagbubukas ng Enero 2018 na pagkuha sa kumpyansa ng mga kreditor sa kapasidad na magbayad ng gubyerno ng Pilipinas, atbp. 

Susuriin din natin ang mga iba’t ibang saray ng naghaharing uri sa bansa at ang kanilang relasyon sa gubyerno ni Duterte. Babalikan natin ang sinasabi ng Programa ng PMP ukol rito. 

Ang pag-igting sa mga tunggaliang ito – sa prospek ng Cha-cha sa paraan ng Con-ass, rev-gov, o lantarang Martial Law, sa panahong sumisirit ang mga presyo dahil sa TRAIN – ang inaasahan natin sa bagong taon. Isasalaksak sa taumbayan ang pagbabago ng konstitusyon, sa interes ng monopolyo kapital (na makikinabang sa paglalansag ng mga proteksyunistang probisyon sa lokal na ekonomya gaya ng 40% limitasyon sa dayuhang pag-aari sa bansa) at sa interes ng mga dinastiya’t burukrata sa kanayunan (na makikinabang sa pederal na porma ng gobyerno).

Walang mapapaniwala sa diumano’y benepisyo ng taumbayan mula sa Cha-cha at pederalismo kung ang dinaranas ng publiko ay walang tigil na sakripisyo. Ika nga ni Lenin, ang dakilang lider ng rebolusyong Ruso, “no amount of political freedom can satisfy the hungry masses”. Laluna kung ang ipinagmamalaking “kalayaang pampulitika” ay halatang-halata para sa “malayang pandarambong” ng iilan sa ating ekonomiya!

Bubuksan nito ang panibagong oportunidad para sa pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan ng uring manggagawa sa 2018 upang ito ay maging “taliba” ng demokratikong pakikibaka laban sa isang pasista, kontra-mamamayan at maka-imperyalistang rehimen, na umaatake sa karapatan at kabuhayan ng malawak na sambayanan.

Isusulong natin ang naturang taktikal na layunin, hindi na lang sa paglalantad sa makauring karakter ng rehimen sa pamamagitan ng paniningil sa ipinangako niyang “pagbabago” at sa partikular na reporma gaya ng pagwawakas sa kontraktwalisasyon. Kundi sa deretsahang panawagan ng pagtatakwil sa rehimen dahil sa kanyang markadong pasistang tendensya at kontra-mamamayang mga polisiya’t patakaran.

Ang paggampan ng uring manggagawa sa pakikibakang anti-Duterte, anti-imperyalista, at anti-pasista ang siyang magpapagalaw sa iba’t ibang uri sa lipunan – partikular sa petiburges na repormismo (na aangkasan ng karibal na paksyon ng nahaharing uri), na maghahapag ng mas moderatong posisyon upang mapanatili ang mapagsamantalang kaayusan.

Nakasalalay sa independyenteng kilusan ng uring manggagawa ang pagpapaandar sa dinamismo ng iba’t ibang uri. Kondisyunal man ang kanilang pagiging rebolusyonaryo kumpara sa pinakarebolusyonaryong uri sa kasaysayan, maoobliga silang kumilos para sa pagbabago, kahit hindi lubos.

Ang paggalaw ng mga uri – na tutungo sa pagrurok ng mga tunggalian –  ang mismong magsasabi upang ang panawagan sa pagpapabagsak ay hindi na lamang pampropaganda kundi isa nang action slogan para sa manggagawa’t mamamayan.

Ito ang praktikal na aplikasyon ng Marxistang teorya ng tunggalian ng uri. #

Mga Komento