ISA ang klarong direksyon sa mga plano ng rehimeng Duterte – ang pagbabago ng Konstitusyon tungo sa dalawang mayor na layunin: (1) ang pagbabaklas sa mga proteksyunistang probisyon para ganap na buksan ang likas-yaman at likhang-yaman ng bansa para sa pag-aari ng mga dayuhang monopolyo (walang kaabog-abog nilang sinasabi na ito ang paraan para lumikha ng trabaho, (2) ang pagpapalit ng porma ng gobyerno mula sa sentralisadong estado tungo sa pederalismo.
Ang una ay nagsisilbi sa interes ng mga imperyalista, partikular sa mga korporasyong Amerikano at Instik na naglalaban para sa dominasyon sa pandaigdigang merkado. Ang ikalawa ay para sa mga angkan ng mga burukrata na naghahari sa kanya-kanyang mga teritoryo.
Sa ngayon, may dalawang moda ng pagbabago ng Konstitusyon ang kanilang inihahanda. Una ay dumaan sa mismong prosesong itinatakda ng umiiral na Konstitusyon – ang Con-Ass o Constituent Assembly. Sa ganitong paraan, wala nang magaganap na eleksyon para sa isang kapulungang magbabago ng Saligang Batas. Ang mismong kongreso – sa batayang sila raw ang mga representante ng taumbayan kahit sila ay isang ekslusibong “millionaires’ club” – ang gagawaran ng kapangyarihan upang palitan ang pinakamataas na batas sa bansa.
Dahil halatang-halata – lalupa’t ito ay kapulungan ng mga trapong sumusunod lamang sa sinumang nakaupong pangulo para makakuha ng pondong magpapalakas sa kanilang angkan sa bawat pinaghahariang distrito – na ito ay hindi sumasalamin sa kapasyahan ng mamamayan. Abril 2017, nang ianunsyo na maghihirang si Duterte ng Consultative Commission (ConCom) – isang panel na binubuo ng 25-katao mula sa mga eksperto at mga representante ng iba’t ibang sektor sa lipunan. Wala pa ring pangalan kung sino-sino ang mga ito.
Ang ikalawa naman ay ang “rev-gov”, isang ekstrakonstitusyunal na paraan para igawad ang absolutong kapangyarihan kay Duterte para baguhin ang saligang batas. Walang iba ito kundi “martial law” dahil nakasalalay ito sa suporta ng militar at sa ganap na paglusaw ng buong burukrasyang sibilyan. Nobyembre nang palutangin ito, kasabay ng paghahanda sa mga malawakang pagtitipon sa Araw ni Bonifacio. Ngunit hindi naman nakakuha ng suporta sa publiko, at maging sa hanay ng reaksyonaryong hukbo.
Ang Cha-cha – isang di-minsanang pangyayari sa kasaysayan ng pugugubyerno ng isang bansa – ay tatangkain ng rehimen sa panahong unti-unti nang dumadausdos ang suporta nito sa publiko, ngunit hindi sa class A-B na hindi nakakaranas ng kaliwa’t kanang patayan sa kanilang ekslusibong mga subdibisyon at nakararamdam ng kapanatagan dahil sa posturang anti-krimen at anti-korapsyon ng rehimen.
Ang tuluyang magpapalusaw sa ipinagmamalaking suporta ng milyon-milyon kay Duterte ay ang pagsirit ng mga presyo bunga ng TRAIN. Sasalagin ito ng administrasyon sa pagbando sa mga proyektong pang-imprastraktura na diumano’y papakinabangan ng taumbayan, paiigtingin din nito ang pag-atake sa mga pwersang “Dilaw” para likhain ang ilusyon ng anti-korap ng krusada nito, at higit sa lahat, iigting din ang “War on Drugs” at ang “War of Terror” upang pihitin ang diskurso palayo sa mga suliraning pang-ekonomiko at pangkabuhayan ng taumbayan.
Sa pagbabago ng Konstitusyon, ang magiging linya ng peti-burges na repormismo ay ang pagtatanggol sa demokrasya, na tila ba totoong umiiral ang “rule of the majority” mula sa rehimen ni Cory hanggang kay Noynoy Aquino, at “defend the 1987 Constitution”.
Ito ang sasakyan ng karibal na paksyon ng administrasyon – ang partido Liberal, tatangkain nilang lumikha ng kampeon ng demokrasya sa katauhan ni VP Robredo at Sen. De Lima (na hindi pa rin nakakakuha ng simpatya sa nakararami) o si Bam Aquino.
Ang ikatlo ay ang ganap na pagdedeklara ng Martial Law sa buong bansa, isang hakbang na pinahihintulutan ng kasalukuyang Konstitusyon. Gaya ng “rev gov”, nakasalalay dito ang suporta ng militar at pulisya – laluna ng mga heneral – para ganap na maipatupad. Sa ngayon, ang AFP ay pinamumunuan ng mga heneral na tumatanaw sa dikta ng Estados Unidos, ng kanilang State Department at Central Intelligence Agency, partikular sina Lorenzana at Año.
Ang rekisito nito ay kung malilikha ng rehimen ang klima ng “lawless violence” para bigyang-katwiran ang imposisyon ng Martial Law.
Kung gayon, ang pagdikit ng tatak na “terorista” sa mga armadong grupo gaya ng NPA at ang tumitinding opensibang militar laban sa kanila ay probokasyon para sa pasistang disenyo ng rehimen. Sa daraang mga araw, antabayanan natin kung ganito rin ang kanyang gagawin sa MILF, at iba pang mga armadong grupo. #
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento