Krisis dahil sa “Duterte-nomics”


MATAGAL nang nasa krisis ang kabuhayan ng masang Pilipino. Walang manggagawa’t maralita na makapagsasabing sila ay nakaluluwag na sa buhay. Tumataas pa nga ang “self-rated poverty”, (SWS, September 2017).

Subalit sa pamantayan ng mga burges na ekonomista, walang krisis na nagaganap sa ekonomya. Sapagkat lumalago ang yaman ng bansa. Taon-taon, sinusukat nila ito sa paglago ng GDP (gross domestic product). At kapag ito ay mas mataas pa sa ibang bansa, laluna sa ating mga kapitbahay sa ASEAN, sasabihin nilang nagaganap ang pang-ekonomikong pag-unlad.

Hindi nila tinitingnan kung kanino ito napupunta. Ang totoo, ang paglago ng yaman ay nakokonsentra lamang sa kamay ng iilan. Ang 25% ng ating GDP ay katumbas ng pag-aari ng 50 bilyonaryo! Bumilis ang konsentrasyong ito sa tuloy-tuloy na pagpapatupad sa mga neoliberal na mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon, at pleksibilisasyon sa paggawa (kontraktwalisasyon, subcontracting, outsourcing) mula sa rehimen ni Cory hanggang kay Noynoy Aquino, na ipinagpapatuloy naman ng rehimeng Duterte.

Kung gayon, anong krisis ang sinasabi nating nagbabadya sa kasalukuyang administrasyon? Ito ay ang fiscal crisis o krisis sa pagbabadyet at pagpopondo ng gobyerno.

May pagpihit kasi sa mga patakaran ng gobyerno ukol sa pagbabadyet at pagpopondo. Kung sa panahon ni Noynoy, ang ginawa ay underspending kaya’t nagkaroon ng sarplas sa pondo ng gobyerno, na ikinatuwa naman ng ating mga inuutangan – dayuhan at lokal – dahil tumaas ang ating kapasidad na magbayad ng utang. Ang isinakripisyo naman dito ay ang taumbayan – na hindi napaglaanan ng dagdag na pondo para sa panlipunang serbisyo sa kalusugan, edukasyon, pabahay, imprastraktura, atbp., na walang tigil namang isinasapribado ng gobyerno, buo man o parsyal sa anyo ng PPP o public-private partnership.

Ang “Duterte-nomics” ay ang pagpapasigla sa ekonomya na gagawin ng estado sa pamamagitan ng mga proyektong pang-imprastraktura, na itatayo sa pamamagitan ng utang (20% mula sa official development assistance o ODA sa mga dayuhan, at 80% mula sa mga lokal na bangko’t pinansyal na institusyon). 

Malaki ang inilobo ng utang ng bansa sa may isang taon ni Duterte. Ang outstanding debt (o utang na may interes) ng gobyerno ay nasa P6.43 Trilyon (Agosto 2017). Sa projected 2017 budget ni Duterte, ito ay tataas ng 7.16%. Malayo sa average increase na 4.38% na kada taon sa buong termino ni Noynoy.

Agosto nang ianunsyo ni DoF Secretary Dominguez ang plano nilang umutang ng P140 bilyon mula sa Tsina, hindi pa kasama dito ang P6 bilyon na “grant” para sa mga proyektong pang-imprastraktura. Marami tuloy ang nangangamba na maulit sa Pilipinas ang nangyari sa Sri Lanka, na 90% ng kita ng gobyerno ay napupunta sa pambayad-utang bago napilitang pumasok sa debt-to-equity swap at naging pag-aari ng Tsina ang mga proyektong pang-imprastraktura at bahagi ng teritoryo ng kanilang bansa.

Wala namang problema sabi ng mga ekonomista ni Duterte. Para lang daw itong negosyo na kapag malaki ang inutang ay may mas malaking kapital ang paiikutin kaya’t mas malaki ang potensyal na kikitain. Hindi pa naman daw nakakaalarma ang ating utang kumpara sa laki ng ekonomya (debt to GDP ratio, debt to equity ratio).

Ilalaan naman daw ang “build, build, build” sa mga proyektong mag-eengganyo ng pang-ekonomikong aktibidad, lilikha ng trabaho at magpapalakas sa ating ekonomya. Halimbawa, ang mga proyekto sa komunikasyon ay mag-eengganyo pa sa mga namumuhunan sa BPO at magpapabilis sa mga pinansyal na transaksyon na gumagamit na ng information technology; ang mga proyekto sa transportasyon ay magpapabilis sa sirkulasyon ng mga kalakal at paggalaw ng mga tao.

Pero ang hindi sinasabi, una, magkano ba ang interes sa mga naturang pautang?  Malinaw sa karanasan ng Sri Lanka na sila ay lumubog sa mga utang mula sa Tsina.

Ikalawa, kung ito naman ay mababa, walang kasiguruhang hindi ito malustay sa korapsyon at kronyismo sa klase ng uring nasa likod ng rehimeng Duterte – ang mga rentier capitalist na walang tinatanaw na kapitalistang pag-unlad at nabubuhay lamang sa pagkubra mula sa kaban ng bayan. Ang puputok na mga anomalya sa pautang sa gobyerno ay tiyak na makakaapekto sa ating credit rating. Pag ganun ang nangyari, upang makalikom ng pondo, itataas ng gobyerno ang garantisadong interest rate ng mga public bonds upang bilhin ng mga sumusugal sa casino economy. Magiging hudyat ito sa pagtataas ng interest rate at forex rate ng lokal na pinansyal na industriya. At tatamaan ang mga nangangailangan ng dolyar para mag-import ng kanilang raw materials at sa mga nangangailangan ng dagdag na kapital para sa kanilang ekspansyon. Ganito rin ang nangyari sa maraming nasa manupaktura noong 1997 Asian financial crisis na naobligang mag-rotation, shutdown at retrenchment dahil sa mataas na interest rate ng mga bangko.

Ikatlo, ang ganitong pag-unlad ay hindi nakabatay sa real economy, hindi umaasa sa industriya’t agrikultura. Nakasalalay lamang sa pagkonsumo ng mga Pilipino, na pinatatakbo ng bilyon-bilyong dolyar na remittances ng mga OFW kada taon.  Hindi ito istable. Sa ngayon ay masigla ito dahil umaarangkada ang mga pinansyal na merkado sa Asya Pasipiko, partikular sa East Asia at sa Southeast Asia. Ngunit sa simpleng desisyon ng pagtaas ng interest rate ng US Federal Reserve ay madaling umalis ang mga namumuhunan para sumugal sa Estado Unidos. 

Ikaapat, ang kumpyansa ng mga nagpapautang sa bansa ay nakasalalay sa kapasidad ng gobyerno ng lumikha ng pondo. Ang saligang paraan ay sa pamamagitan ng bagong mga buwis (dahil sunud-sunuran ito sa dikta ng mga bangko’t pinansyal na institusyon na magbayad ng utang – prinsipal at interes – kahit na kapos na kapos na ang pondo para sa pambansang pag-unlad at para sa serbisyong panlipunan). Kaya naman, bago pa man magtapos ang taon, isinabatas ng bicam committee ng kongreso’t senado ang TRAIN, na mas papasanin ng mahihirap kaysa ng mayayaman.

Ikalima, gaya ng naunang nabanggit, ang makikinabang sa “build, build, build” ay ang oligarkiya sa pinansya at mga kapitalista sa konstruksyon at real estate. Tulad nina Henry Sy, Gokongwei, Ayala, Aboitiz, Tan, Consunji, atbp. Sila ang nakahandang maging kasosyo ng mga dayuhang monopolyo kapag tinanggal na ang mga proteksyunistang probisyon sa pambansang ekonomya ng kasalukuyang Saligang Batas.

Bilang pagsusuma, ang banta ng fiscal crisis ay nasa matyuridad ng mga bagong utang na pinasok at papasukin ng rehimeng Duterte.

Ito ay tinatayang nasa 10 taon pa. Kapag nagdefault sa pagbabayad ang gobyerno dahil ito ay mababangkarote, wala na itong pondo para paganahin ang mismong estado. Titigil ang lahat ng serbisyo sosyal gaya ng libreng edukasyon (na ngayo’y ipinagmamalaki na aabot na hanggang sa kolehiyo), ang libreng pagpapagamot at pagpapaospital, atbp.

May posibilidad itong mapaaga sa anyo ng isang fiscal crisis, kapag hindi naayos ang koleksyon sa buwis ng gobyerno at kapag hindi nailaan ang mga utang sa mga proyektong magpapasigla ng ekonomya at sa halip ay mapunta lamang sa mga pampulitikang angkan,  mula sa uring sinasandigan ng rehimeng Duterte – ang mga warlord, komersyante at burukrata sa kanayunan na tiyak na maghahari sa pederal na porma ng pagugubyerno sa bansa.

Subalit ang mas totoong peligro sa pagputok ng fiscal crisis ay wala pa sa loob ng bansa at sa gobyerno ni Duterte kundi nasa labas. Ang pandaigdigang ekonomya ay hindi pa nakakaahon sa 2008 global financial crisis.

Matumal pa rin ang paglago, kung mayroon man, sa mga ekonomya ng Estados Unidos at Western Europe. Ang masiglang ekonomya, ngunit nakakaramdam na ng slowdown, ay ang ekonomya ng Tsina; kasama ang mga ekonomya sa East Asia at Southeast Asia. Ang banta ng krisis sa mga bansang ito ay tiyak na makakaapekto sa mga kreditor na nagpapautang sa gobyerno ng Pilipinas.

Sapagkat ang kanilang kapital, na ngayo’y pinauutang sa malilit na bansa, ay mas ilalaan na sa pagsasalba ng kanilang pinansyal na industriya gaya ng bailout na ginawa ng Estados Unidos sa kanyang mga bangko sa huling krisis pinansyal noong nakaraang dekada. #

Mga Komento