Sa nakaraang State of the Nation Address, naging saksi tayo sa pinakamalaking martsa laban kay Duterte. Iba’t ibang grupo, na may magkakaibang makauring pananaw, ideolohikal at pulitikal na paniniwala, mula sa iba’t ibang saray ng sambayanang Pilipino ang nagmartsa sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.
Mahigit 40,000 ang lumahok sa martsa. Ito na ang pinakamalaking protesta sa kasalukuyang rehimen. Ang PMP, sa pamamagitan ng mga ligal na organisasyong masa na ating pinamumunuan at iniimpluwensyahan, ay naging bahagi ng tinaguriang “United People’s SONA”.
Ano ang kabuluhan nito sa uring manggagawa at sa masang anakpawis?
Una, ipinapakita nito na ang dating solidong suporta ni Duterte sa mamamayang Pilipino ay nagkakaroon na ng malalalim na lamat.
Kung tutuusin, noong eleksyon, mas suportado nga siya ng mga nakakarangyang uri (Class A-B) dahil sa kapanatagan nila sa isang lider na nakikita nilang may “political will” para maglagay ng kaayusan sa bansa. Ngunit may ilan sa kanila ang nagagasapangan na sa lantarang pambabraso ni Duterte laban sa oposisyon, at maging sa simbahang katolika. Isa rito ang pagsisipa kay CJ Sereno sa korte suprema, sa pamamagitan ng petisyon para sa “quo warranto” noong Mayo. Kasabay pa ang tuloy-tuloy na mga anomalya sa korapsyon na kinasasangkutan ng mga alyado ng Palasyo.
Sa hanay ng mahihirap, laluna sa pagpasok ng 2018, dumausdos ang suporta kay Duterte dahil sa epekto ng oil excise tax ng TRAIN Package 1, na nagresulta sa tuloy-tuloy na pagtaas sa presyo ng mga bilihin.
Ang inflation rate ay nasa 5.3% noong Mayo, 5.2% noong Hulyo, at 5.7%. Ito ay datos na average sa buong bansa. Mas mataas ang inflation rate sa National Capital Region (NCR), na umaabot sa 6.5%. Ito na ang pinakamabilis na pagsirit ng mga presyo sa loob ng limang taon. Gumatong sa usaping ito ang pahayag ng NEDA noong Hunyo na ang kailangan lamang daw para mabuhay ang pamilyang may lima (5) ay katao ay P10,000 kada buwan.
Sa hanay naman ng sahurang manggagawa, nalalantad na ang hungkag na pangakong “contractualization must stop”. Umamin nga siya sa mismong SONA na ang nilabas niyang Executive Order 51 ay walang kakayanang lutasin ang kontraktwalisasyon. Ito rin ang kautusang hindi tinanggap ng kilusang paggawa noong Mayo Uno 2018.
Ang tumaas na ekspektasyon ng mga kontraktwal na manggagawa na tototohanin ni Duterte ang kanyang pangako ang nagbunsod sa mga pagdulog sa DOLE na inspeksyunin ang kanilang mga pagawaan, na humantong sa ganting reaksyon ng management – mula sa harassment hanggang sa tanggalan. Sinindihan nito ang mga pumuputok na welga at mga protesta sa maraming establisyemento.
Dagdag pa rito ang kaliwa’t kanang patayan dulot ng “War on Drugs”, na umaabot na sa may mahigit 22,000 patay at karamihan ay mga mahihirap mula sa mga komunidad ng mga maralita.
Ikalawa, mababakas sa malaking mobilisasyon na ito ang isang antas ng matyuridad upang ang iba’t ibang grupo na magmartsa ng ilalim ng iisang bandera laban sa Cha-cha at sa diktadura.
Sa harap ng isang marahas at makapangyarihang komon na kaaway, naoobliga ang iba’t ibang grupo na magkaisa. Tunay ngang hindi dapat maging balakid ang mga pagkakaiba sa ideolohiya’t pulitika sa pagsusulong ng mas kagyat na mga usapin.
Ngunit dapat makita ng manggagawa na ang pagkakaisang ito ay kondisyunal at hindi permanente. Kasama sa martsa sa SONA ang ilan sa pwersang Kanan, mga repormista, at mga kaalyado ng burgesya’t burukratang anti-Duterte. Gaya natin, tutol sila sa Cha-cha subalit nagbubulag-bulagan sila sa mga depekto ng 1987 Constitution. Gaya natin, tutol sila sa diktadura ni Duterte pero ang kanilang isinusulong ay ang pananatili ng pekeng elitistang demokrasya ng nanumbalik sa bansa matapos sa EDSA1.
Ganunpaman, hindi ito dahilan para bumukod ang manggagawa sa nagsasariling kilusang hindi nakikipagkaisa sa ibang pwersa. Sa klase ng balanse ng pwersa, na ang buong demokratikong kilusang binubuo ng iba’t ibang uri at sektor, ay nasa depensiba, wala tayong ibibigay na puwang para sa sektaryanismo. Ang pangangailangang magkaisa sa komon na panawagang mapagkakaisahan ng lahat ay batid ng lahat ng pwersang kalahok sa SONA. Kahit ang mga peti-burges na repormista, na may natural na pagkamuhi sa kilusang kaliwa, at ang sektaryang mga Maoista, ay kumikilala sa pangangailangang ito.
Ikatlo, at ito ang esensyal para sa PMP, bumibigat ang tungkuling mulatin, organisahin, at pakilusin ang manggagawa para pamunuan ang laban sa kilusang anti-Duterte.
Ang paglaban ng manggagawa, na ngayo’y nasa anyo lamang ng pakikibakang lokal at nasa hangganan lamang ng pang-ekonomyang pakikibaka, ay dapat tumungo sa isang pangkalahatang pakikibaka para labanan ang mga kontra-manggagawa’t kontra-mamamayang patakaran ng rehimen.
Narito ang pangangailangan ng isang talibang rebolusyonaryong partido ng manggagawa na magsasanay ng mga manggagawang may kamulatang makauri at praktikal na kasanayan sa pagsusulong ng pakikibakang masa.
Pakilusin ang mas maraming manggagawa – sa iba’t ibang antas, mula sa lokal hanggang pambansa; at sa iba’t ibang anyo, mula sa protesta hanggang sa diskusyon at talakayan – para ipagtanggol ang interes ng manggagawa at sambayanang Pilipino.
Mangangailangan ito ng pagpapahusay ng partido sa propaganda’t ahitasyon mula sa lokal na sangay hanggang sa mga sangay sa nasyunal na mga samahang masa, at maging sa sentral na liderato ng partido.
Sa pagkilos ng mas maraming manggagawa sa kilusang anti-Duterte, sa pakikibaka laban sa Cha-cha at diktadura, makakamit ng kilusang paggawa ang pamumuno sa laban ng bayan upang ito ay maging mas konsistent, mas determinado sa tuloy-tuloy na pakikibaka para sa demokrasya at para sa sosyalismo. «
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento