TRAIN Package 2: Laban-Bawi sa mga Pribadong Korporasyon

Noong Agosto 7, pumasa sa House Committee on Ways and Means ang TRAIN Package 2 – na pangalawang yugto sa pagrereporma ng pagbubuwis sa bansa.

Subalit dahil nais nilang iiwas ang bagong panukala sa galit ng mamamayan laban sa TRAIN Package 1 na nagpasirit sa presyo ng langis at pangunahing mga bilihin dahil sa oil excise tax, ginawan nila ito ng bagong pakete. Repackaged o bagong pabalat-bunga, kumbaga. Tinawag nila itong TRABAHO o Tax Reform for Attracting Better and High-Quality Opportunities.

Lantarang panloloko! Ang pokus ng TRAIN 2 (o TRABAHO) ay ang pagbubuwis sa mga korporasyon. Pasimple nilang sinasabi na lilikha daw ito ng trabaho – kaya nasa interes ito ng publiko, laluna ng milyon-milyong Pilipinong wala o kulang sa hanapbuhay.

Kapag ba nakatipid sa buwis ang mga korporasyon – malaki man o maliit – ay kukuha sila ng mas maraming trabahador? Kalokohan. Inilalaan nila ito sa bagong hilaw na materyales, bagong makina, o dagdag na insentibo sa kanilang mga kapitalistang may-ari.

Sapagkat hindi naman sila nagnegosyo para magbigay ng sweldo, kumuha sila ng tatrabaho sa kanilang materyales at makina para tumubo, tumubo, at tumubo.

Aralin natin ang resulta ng “trabaho” ng ating mga magigiting na kapitalistang mambabatas.

Mababang buwis sa corporate income

Ang nilalaman ng pangalawang pakete ng TRAIN ay ang pagbaba ng corporate income tax. Mula sa kasalukuyang 30% (na pinakamataas sa Timog Silangang Asya), ito ay babawasan ng 2% kada dalawang taon simula 2021 hanggang 2029, hanggang sa maging 20% na kapantay sa Cambodia, Thailand at Vietnam.

Makikinabang ang may 95% ng mga negosyo sa bansa na papatawan ng mas mababang corporate income tax.

Huwag daw tayong magreklamo, sasabihin nila. Hindi ba’t ibinaba rin ang income tax ng mga indibidwal dahil sa TRAIN 1? Pero ang tanong, sino nga ba ang nakinabang dito? Dati nang walang withholding tax ang mga minimum wage earner. Wala ring income tax ang mas higit na nakararaming walang regular na hanapbuhay sa informal economy. Ang nakinabang dito ay ang panggitnang uri at ang mga mayayaman.

At ang masaklap, kung sa TRAIN 1 ang mga may-ari at mga nangangasiwa sa mga korporasyon ang nabawasan ng income tax, ngayon naman ang mga korporasyon – na hindi naman tao kundi may juridical personality lamang – ang papatawan ng mas mababang buwis sa kanilang kinikita!

Saan bumawi ang gobyerno sa nawalang buwis mula sa kita ng mga indibidwal (TRAIN 1)? Sa buwis na ipinataw sa mga presyo! Kaya’t ang mga mahihirap na hindi na nga nakinabang sa income tax exemption ang papasan ng mas mataas na mga presyo. Kasabay ng mas mababang buwis sa kita ng mga mayayaman. Sadyang ganito kalupit ang kapitalismo.


Sa TRAIN 2, ang mga korporasyon ay mababawasan ng buwis sa kanilang kinikita. At inihanda rin ng mga mambabatas – sa udyok ng Department of Finance (DOF) at ni Duterte mismo – kung saan babawiin ang mawawalang kita ng gobyerno sa pagbaba sa 20% ng corporate income tax o CIT.

Pagrerepaso ng tax incentives sa mga negosyo

Para sa nawalang kita dahil sa pagbaba ng corporate income tax, rerepasuhin ng TRAIN 2 ang mga binibigay ng tax incentives sa mga korporasyon.

Noong Hulyo 2015, isinabatas ng gobyerno ang Republic Act (RA) 10708 or the Tax Incentives Management and Transparency Act (TIMTA). Dahil dito, unang nasukat ng gobyerno kung magkano ang ibinibigay na insentibo sa buwis sa mga negosyante.

Ang tax incentives ng gobyerno ay binibigay sa nagnenegosyo sa mga 379 na Philippine Export Zones Authority o PEZA zones na nahahati sa manufacturing economic zone, information technology parks/centers, agro-Industrial economic zone, tourism economic zones at medical tourism parks/centers (as on November 2017). 

Liban sa PEZA, may 13 pang investment promotion agencies (IPAs) - Phividec Indurstial Authority, FAB, BOI Philippines, Clark Freeport, Philippine Retirement Authority, Aurora Pacific Ecozone and Freeport Authority, Bases Conversion and Development Authority, Poro Point Management Corporation, Subic Bay Metropolitan Authority, Zamboecozone and freeport, Regional Board of Investments - ARMM, Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority, Cagayan Economic Zone Authority.

Noong 2015, ang nawalang kita ng gobyerno dahil sa tax incentives sa mga PEZA zones ay umabot ng P235.3 bilyon. Mula ito sa kabuuang P301 bilyon kapag isinama iba pang 13 investment promotion agencies (IPAs). 

Nahahati ito sa income tax holiday na P25.9 bilyon, sa 5% tax on Gross Income Earned (GIE) na P25.8 bilyon, customs duties na P14.9 bilyon; import VAT na P147.8 bilyon, at local VAT na P20.9 bilyon.

Pinagpalang mga korporasyon! Bilyon-bilyon na nga kinikita. Bilyon-bilyon ding buwis ang hindi obligadong bayaran sa pamamagitan ng mga tax incentives. Kulang pa nga, kung tutuusin, ang 30% corporate income tax na kinukuha sa kanila upang ibalik sa serbisyong panlipunan (kalusugan, edukasyon, mass housing, atbp.). 

Pero heto ngayon ang rehimeng Duterte, ibababa ang corporate income tax subalit para mabawi ang nawalang kita, aalisin at babawasan ang mga incentives na ito. Ang target diumano ay ang malalaking korporasyong exporter na ngayo’y tinatamasa ang binibigay na insentibo ng mga PEZA at IPAs, at makikinabang naman sa pagbaba ng corporate income tax ang mga maliit na korporasyon (MSMEs o micro, small, medium enterprises).  Isalarawan natin sa susunod na seksyon kung ganito nga ang magiging epekto ng TRAIN 2.

Epekto ng TRAIN 2

Unahin natin ang madaling makita. Sa pagbaba ng corporate income tax, tataas ang tubo ng mga kapitalista, malaki man o maliit. Kung dati ang isang korporasyong may income na P100M ay may buwis na 30% o P30M, ang net corporate income after tax ay P70M na lamang. Sa TRAIN 2, ang corporate income tax ay magiging P20M, kaya ang kanilang malinis na kita ay naging P80M!

Ikalawa, ukol naman sa pagrerepaso sa mga tax incentives, totoo bang ang maliliit na negosyante ang makikinabang dito? Totoo bang lilikha ito ng trabaho para sa manggagawang Pilipino?

Isa-isahin natin ang mga tax incentives na dating ibinibigay ng gobyerno sa mga malalaking eksporter, na karaniwa’y mga transnasyunal na korporasyon.

Kapag inalis ang income tax holiday, sila ay magbabayad na ng corporate income tax. Hindi na 30% ng corporate income kundi sa 20% na lamang. Ganunpaman, paliliitin pa rin nito ang kanilang tubo. Maoobliga silang magbawas ng mga gastusin – at isa lamang madali nilang titipirin, walang iba kundi ang sweldo ng kanilang mga manggagawa.

Kapag inalis ang local VAT, magmamahal ang presyo ng kanilang mga materyales na gawang lokal (dahil dati ay may subsidyo ang gobyerno sa presyo nito). Mas pipiliin nila ang imported na materyales kaysa umangkat sa mga local supplier.

Ang mga local supplier, lalo kung ito ay MSMEs ay mawawalan ng buyer at para makatipid itutulak silang magbawas ng gastusin, at muli, ito ay ang sahod ng kanilang manggagawa. Kung hindi na kakayanin, tuluyang magsasara ang mga local supplier ng malalaking eksporter. Lumikha ba ng trabaho? Hindi. Nakinabang ba ang MSMEs? Hindi rin. Kung mayroon mang local supplier na may mahabang pisi para magbenta sa mga malalaking eksporter, ito ay ang malalaking lokal na kompanya na pag-aari ng mga bilyonaryo gaya nila Henry Sy, John Gokongwei, Lucio Tan, atbp.

Ngayon, kapag inalis ang imported VAT, magmamahal ang materyales mula sa abroad. Pipiliin na lang nilang isara ang kanilang pabrika at maging distributor na lang ng finished product o gawang produkto para ikalakal sa ating bansa. Lumikha ba ng trabaho? Hindi. Nagresulta pa nga ng tanggalan!

Ang problema sa TRAIN 2 o “TRABAHO”, gaya ng naunang TRAIN Package 1, pinihit nito ang pagbubuwis sa bansa patungo sa konsumpsyon (consumption taxes) imbes na sa income tax (na nakabatay sa kita, pag-aari, at yaman). Itinataas nito ang mga presyo (kaya’t ang buwis ay naipapasa lamang sa mga konsyumer).

Kung sa TRAIN 1 ay ang taumbayan ang binola na tataas ang kanilang take-home pay dahil sa pagbabawas ng personal income tax habang nagpataw ng mga buwis para itaas ang mga presyo. Sa TRAIN 2, ang mga korporasyon naman – laluna ang mga MSMEs – ang niloloko ng diumano’y pagtaas ng kita dahil sa pagbaba ng corporate income tax ngunit mabibigla din kapag apektado na sila ng pagtaas ng mga presyo ng kanilang materyales dahil inalis ang insentibo ng mga malalaking exporter.

Narito ang buhol-buhol na kontradiksyon ng pagrereporma ng buwis sa ilalim ng kapitalismo. Ang estado ay nais na magdagdag ng buwis para madagdagan ang kanyang pondo. Subalit nag-aatubili itong magpataw ng mas mataas na buwis sa mga kapitalista sa anyo ng income tax (layon pa ngang bawasan ito ng TRAIN 2).

Kaya ibinababa niya ang buwis sa kita ng korporasyon at binabawi ito sa mga consumption tax na tulad ng VAT at excise tax (sa TRAIN 2, gagawin ito pag-aalis ng mga tax incentives), kung saan ang buwis ay  ipinapasa sa mga bibili ng produkto.

Pero kung ang kalakal na tumataas ng presyo ay materyales ng isa pang produkto, ang sasalo ng buong buwis ay ang kumokonsumong publiko o ang end-consumer.  Subalit kung pananatilihin naman ang mga tax incentives na ito, ang mga gastusin sa pagnenegosyo ng malalaking eksporter ay sinasalo ng gobyerno! Ang estado ay sumasalo sa “cost of production” ng negosyo. Pero maliit naman ang parte sa kikitain dahil sa babawas ng corporate income tax!


Bakit bilyon-bilyon ang tax incentives sa mga negosyante?

Bakit nga ba bilyon-bilyon ang tax incentives sa mga negosyante? Kung tayo ay pagod nang mag-isip, madali nating sasagot na “sila kasi ang may-kontrol sa gobyerno”. Iyan naman ay totoo ngunit kakapusin para lubusang maintindihan ang ugnayan ng mga bagay-bagay ukol sa naturang usapin. 

Ang bulok na klase ng burukrasya sa bansa ang salarin sa sala-salabat na mga insentibo para sa mga kapitalista. Tayo ay may 315 batas na nagbibigay ng pabuya sa mga negosyante, partikular sa malalaking mga eksporter (123 investment incentives at 192 non-investment incentives).

May mga tipo pa nga ng tax incentives na pang-habambuhay at sumasaklaw pa sa lahat ng uri ng buwis - nang hindi tinitingnan kung ang mga ito ay tumutulong sa ekonomya sa usapin ng trabaho o pagtataas ng kapasidad ng bansa na tugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino.

Mauugat ito sa klase ng pag-unlad na nasa utak ng ating mga mambabatas. Para sa kanila, ang pang-ekonomikong pag-unlad ay nakasalalay sa dayuhang imbestor. Ang ating ekonomya ay itinuon sa paglikha ng mga eksport para sa pandaigdigang merkado, na dagdag na tubo para sa mga transnasyunal na mga korporasyong may kontrol sa ekonomya ng daigdig. Isang export-oriented, import-dependent economy. Isinuko na ang lahat (kahit ang likas at likhang yaman ng bansa), maakit lamang na pumasok ang mga dayuhang imbestor. Ito ang tinatawag nating imperyalismo.

Nagawa ito ng mga dayuhang monopolyo dahil na rin sa klase ng ating mga opisyal sa ating gobyerno, na hindi nakatuon sa sariling kapitalistang pag-unlad. Sila ay mga tuta ng mga monopolyo kapital. Subalit higit dito, inuuna kasi nila ang kanilang pansariling interes.

Isang halimbawa ay ang Cagayan Export Processing Zone Authority o CEZA, na itinayo noong 1995, sa termino ni Fidel Ramos, sa pamamagitan ng batas na Republic Act 7922 o Cagayan Special Economic Zone Act of 1995. Sino ang awtor ng naturang batas? Walang iba kundi si Juan Ponce Enrile, mula sa mga angkang naghahari sa naturang probinsya! At ginawa ito ni Enrile, hindi para maghatid ng progreso’t kaunlaran sa Cagayan kundi para magkaroon ng sentro ng komersyo para sa kanyang mga negosyo (bukod pa sa dagdag na kita para sa LGU na kinokontrol ng kanilang angkan, at sa biglaang pagtaas sa presyo ng lupa sa naturang erya, na pag-aari din ng mga Enrile). 

Pagbubuwis na batay sa kita, yaman at pag-aari

Hindi tayo tutol sa pagbubuwis. Ang manggagawa (kapag naitayo na ang sarili niyang gobyerno) ay magpapataw din ng buwis. Dito kasi magmumula ang pondo para tustusan ang mga batayang pangangailangan ng masang anakpawis at likhain ang mga kondisyon para sa ibayong pag-unlad pa ng ekonomya’t lipunan.

Subalit ang buwis ay dapat na mas malaki sa kapitalista. Ang tindig na ito ay hindi nakabatay sa abstraktong konsepto ng hustisya. Nagmula ito sa kongkretong katotohanan na ang tubo ay mula sa di-bayad na halagang nilikha ng manggagawa at ang yamang tinatamasa ng iilan ay mula sa sama-samang paggawa ng milyon-milyong manggagawa.

Nararapat lamang, kung gayon, na ang mga pribadong korporasyong sumosolo sa yamang panlipunan ay patawan ng mataas na buwis upang magkaroon ng rekurso para sa pag-unlad ng buong lipunan. Bawiin ng publiko ang yaman ng iilan (na sila rin ang may-likha) sa pamamagitan ng pagbubuwis. At ang ating ipinaglalaban ay ang isang progresibong sistema ng pagbubuwis na hindi nakapataw sa mga presyo tulad ng consumption taxes (na siyang layon ng TRAIN 1 at TRAIN 2) kundi nakabatay sa kita, yaman at pag-aari (income tax, property tax, atbp). Tax the rich, not the poor!

Mga Komento