Baliktanaw sa 2017: Diyalektika ng Digma, Krisis, at Rebolusyon

Paano isinulong ni Duterte ang interes ng kanyang paksyon – ang mga naghaharing uri sa kanayunan – at ang interes ng imperyalistang monopolyo kapital sa nagdaang isang taon? Sa pamamagitan ng dahas at panlilinlang. Gaya ng ibang mga diktador sa kasaysayan.

Subalit sa 2017, mas tumingkad ang paggamit ng dahas kumpara noong 2016 na pagpapatuloy lamang ng paglulubid ng mga pangakong binitawan noong halalan: pagwawakas sa kontraktwalisasyon, no demolition kapag walang relokasyon, libre ang irigasyon, separasyon sa Estados Unidos sa mga usaping pang-ekonomya at pangmilitar, pagtataas ng SSS pension, pagtataas sa sahod ng guro, pagbabalik ng coco levy, pagwawakas ng problema ng iligal na droga sa loob ng anim na buwan, atbp., atbp.

Ang 2017 ay naging taon ng pag-usbong ng digmaan (at banta ng digmaan), ang paghahanda ng mga rekisito para sa pagsambulat ng krisis hindi pa sa kabuhayan ng mamamayan (na matagal nang nasa krisis) kundi sa pagpopondo at pagbabadyet ng gobyerno. Ang dalawang ito (digmaan at krisis) ang magtutulak sa posibleng pagrurok ng tunggalian ng uri sa 2018 at sa darating pang mga taon.

Kaliwa’t Kanang Digmaan

 Dalawang gyera ang inilulunsad ng rehimen – ang “War on Drugs” at War of Terror”. Tulad ng ibang mga pasistang gobyerno, kailangan nila ng ‘kaaway ng bansa’ para bigyang-katuwiran ang paggamit nila ng dahas, na tangkang gawing takot at pasibo ang mga mamamayan, kabilang ang burges na oposisyon.

Sa kabilang banda, walang pormal na deklarasyon bilang gyera, subalit buong taon na inaatake ng rehimen ang tinagurian nitong “human rights” at ang iba’t ibang mga institusyon at ahensya upang konsolidahin ang kontrol nito sa burges na estado.

War on Drugs


Sa kaso ni Duterte, una niyang pinuntirya ang salot ng iligal na droga. Subalit ito ay hanggang sa salita lamang. Sapagkat hindi naman totoong napipigil ang pagpasok at pagmanupaktura nito, na karaniwang umaandar dahil sa proteksyon ng mga tiwaling opisyal ng burukrasya laluna sa hanay ng pulis at militar. Sa taong 2017, mas lalong nabulgar na ang “War on Drugs” ay isang gyera laban sa mahihirap sa naging kaliwa’t kanang pagpaslang sa mga maralitang kabataan tulad ni 17-year old na si Kian delos Santos at 19-year old na si Carl Arnaiz noong Setyembre. Ang mga insidenteng ito – na umani ng pagbatikos ng taumbayan – ay sumabay sa expose’ ng P6.4 bilyong halaga ng shabu na diumano’y kinasasangkutan ni Paolo Duterte.

Dahil dito, dumausdos ang trust rating ng rehimen laluna sa hanay ng mga mahihirap (Class C-D) na nasa mga komunidad na puntiryado ng EJK at Tokhang. Tinatayang nasa mahigit 14,000 na ang napatay ng nasabing krusada, 4,000 dito ang opisyal na operasyon ng pulisya. Mula sa PDEA, ibinalik na sa PNP ang pangangasiwa ng “War on Drugs”. Inaasahang magbibilang muli tayo ng mga bangkay sa ngayong taon. Isang malagim na halimbawa ng brutalidad ng mga PNP ay ang mga berdugong pulis-Davao na dineploy sa Payatas, Quezon City; ang kanilang lider na si dating station commander Lito Patay ay inilipat na sa CIDG, na nabulgar na nasa likod ng mga EJK sa naturang lugar (Bgy. Commonwealth). 

“War of Terror”


Buwan ng Mayo, sa pamamagitan ng Proclamation 216, idineklara ang Batas Militar sa buong Mindanao, kahit pa ang nangyaring paglusob diumano ng mga teroristang ISIS ay nasa Marawi lamang. Bagamat idineklara nang tapos na ang bakbakan, hindi pa binabawi ang pagdedeklara ng Batas Militar. Dalawang beses na hiningi ni Duterte ang ekstensyon ng Martial Law, hanggang sa dulo ng 2017 at ngayon, sa buong taon ng 2018. Ang pagsunod ng rehimen sa gyera kontra terorismo na isinusulong ng Estados Unidos sa buong mundo ay senyal na, sa kabila ng diplomatikong pakikipag-ugnayan nito sa Tsina at mga makabayang patutsada laban sa mga dayuhan, nananatili itong tuta sa dikta ng mga imperyalistang gobyerno ng Amerika.

Sa naganap na kaguluhan, kapansin-pansin ang magkakabanggang pahayag ni Duterte at ng kanyang mga heneral na sinanay ng Amerika - sina Secretary Delfin Lorenzana ng DND at AFP Chief of Staff Eduardo Año. Ipinapakita nitong hindi buo ang kontrol ni Duterte sa militar - na siyang saligang sandigan ng burges na estado para pangasiwaan ang lipunan. Pinasisilip nito ang posibilidad ng pagkalas sa “chain of command” kapag ang commander-in-chief na si Duterte ay hindi sumunod sa dikta ng Amerika at pumanig sa Tsina, sa nagaganap na redibisyon ng daigdig sa pagitan ng dalawang makapangyarihang gobyerno.

Ang Batas Militar sa buong Mindanao, at ang panukalang pederal na anyo ng gubyerno, ang magtatakda sa magiging karakter ng ugnayan ng reaksyonaryong estado sa armadong rebelyon ng Bangsamoro, na isinusulong ng MILF, MNLF, at iba pang grupo, sa paghahangad nilang makamit ang karapatan sa pagsasarili bilang hiwalay na bansa o bilang autonomous na rehiyon. May posibilidad na ito ay maging antagonistiko, dahil sa kabila ng pahayag ni Duterte na hindi malulutas ang problema sa simpleng solusyong militar ay patuloy naman ang pagmartsa ng tropa ng AFP sa kanilang kontrolado’t impluwensyadong mga teritoryo.

Buwan ng Nobyembre nang pormal na umatras sa mesa ang gobyerno ng Pilipinas sa kanyang “peace talks” sa Maoistang pwersa ng CPP-NPA-NDF. Sinundan ito ng pagpaslang kay Fr. Marcelito “Tito” Paez sa Nueva Ecija noong Disyembre 6, isang pari na may ugnayan sa pambansang demokratikong kilusan. Sa gabi ding yun, nilusob ang opisina ng KMU para ihain ang “warrant of arrest” sa lider ng grupong PISTON.

Ganap nang nalusaw ang “alyansa” ng mga Maoista sa rehimeng Duterte, na ayon sa isang kilalang personalidad sa kanilang hanay, ay “binigyan nila ng panahon para tuparin ang kanyang mga pangako at patunayan ang kanyang pagkiling sa Kaliwa”.

Ang reaksyonaryong estado, sa katuwirang patuloy ang mga opensiba ng NPA sa kanayunan, ay naghahain ng patibong sa mga Maoista. Tinutuya pa nila itong malilipol sa dulo ng 2018. Probokasyon para paigtingin nito ang kanilang “pangmatagalang digmang bayan”. Upang ibaling ang atensyon ng publiko sa isang bagong “teroristang kaaway” (hindi na lamang ang kinakatakutang ISIS), na may latag sa buong bansa at gamitin itong dahilan sa pagdedeklara ng nationwide na Martial Law, na maaring mag-anyo ng “total war policy” gaya ng ginawa ni Cory Aquino noong 1987. Ngayon pa lamang, umaandar ang operasyong militar para tugisin ang CPP-NPA. Ang nagaganap na mga air strike ay hindi lamang sa Mindanao (kung saan naroon ang natitirang konsentrasyon ng hukbo ng NPA) kundi kamakailan lamang ay sa Batangas, Nueva Ecjia, at sa Cordillera region.

Gyera laban sa mga “Dilawan”, sa burges na oposisyon at sa karapatang pantao.


Sa simula pa lang, walang tigil na ang atake ng rehimen sa komunidad ng nagsusulong ng karapatang pantao. Tinawag sila ni Duterte bilang mga “bleeding hearts” dahil sa kanilang pagkondena sa nagaganap na madugong “gyera laban sa droga”. Noong Setyembre, umabot ito sa personal na atake sa commissioner ng CHR, na kilalang personalidad ng partido Liberal hanggang sa binigyan ng Kongreso ng pondong P1,000  ang naturang komisyong itinatag mismo ng Konstitusyon para bantayan ang pang-aabuso ng mga opisyal ng gobyerno, laluna ng militar at kapulisan.  Binawi din ito sa pinal na badyet. Ang mga “human rights defenders” ay pinipinta ng gobyerno bilang sagka sa pinaplanong pagbabago at pag-unlad ng administrasyon.

Setyembre din nang ihain ng abogadong si Larry Gadon ang impeachment complaint laban kay chief justice Sereno. Malalim ang mga lamat ng Korte Suprema. Ang ibang mahistrado ay handa nang tumestigo laban sa kanya. Ito rin ang buwan nang ideklara ng Office of the Ombudsman ang diumano’y bank records na nagpapakita sa P1 Bilyong cash flow sa bank account ng mga Duterte, na sinimulang ibulgar ni senador Trillanes.

Oktubre nang ideklara ni Duterte na itutulak niya ang impeachment ni Carpio-Morales. Si Carpio-Morales ang associate justice na nagpasumpa kay Noynoy Aquino bilang pangulo, taliwas sa tradisyon na ginagawa ito ng chief justice, na noo’y ang pinatalsik na si Renato Corona.

Ang buong taon ng 2017 ay kinakitain din ng paglakas ng mga pro-Duterte na blogger sa internet. Sila ang nagpapakalat ng mga fake news at umaatake sa mga kritiko ng administrasyon, tulad ng kanilang butangerong pangulo. Lantaran silang binubusog ng Palasyo; buwan ng Mayo nang i-appoint si Mocha Uson bilang assistant secretary ng opisina ng presidential communications (PCOO).

Mapapansin ang pag-igting ng kontra-opensiba ng rehimen sa oposisyon matapos ang pagkakasangkot ni Polong Duterte sa isyu ng shabu at smuggling at sa pagpaslang kay Kian. Nagagawa ito ng Palasyo sa pamamagitan ng isang tutang kongresong pinamumunuan ni speaker Alvarez. Bulwagan ito ng mga kinatawan ng kapitalista’t asendero sa kanya-kanyang mga pinaghahariang distrito.

Basahin ang mga kaugnay na artikulo sa pagbabaliktanaw sa 2017:




Mga Komento